BBM Presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

BBM Tumulong sa Maring victims sa NL

October 13, 2021 People's Tonight 189 views

NAGPADALA ng mga rapid-response teams si Presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. para tumulong sa mga nasalanta ng bagyong ‘Maring’ sa Northern Luzon.

Ayon kay Marcos, magmumula sa Maynila at ilang piling probinsiya sa Northern Luzon ang mga teams na magdi-distribute ng mga relief goods sa mga lugar na matinding tinamaan ng bagyo.

“Pinakilos na namin ang aming mga quick response teams sa Maynila at ilang lugar sa Northern Luzon. Nasimulan na rin po ng aming mga staff at mga volunteers ang pagdagdag sa imbentaryo ng aming relief packs. Ang bawat team na papunta ay magdadala ng mga relief goods na may bigas, assorted canned goods, tsinelas, vitamin c at KN95 face masks bilang standard kit,” sabi ni Marcos.

Ayon sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bandang 8 am kahapon, umaabot na sa 478 na pamilya o 1,638 na indibidwal ang apektado ng hagupit ng bagyong ‘Maring’. Dagdag pa ng NDRRMC may 247 na pamilya o 850 indibidwal ang ngayon ay nananatili sa mga evacuation centers sa Cagayan Valley, Mimaropa at Cordillera.

Kinukumpirma rin ng NDRRMC ang naireport sa kanila na siyam na katao na diumano ang namatay dulot ng malakas na hangin at ulan na dala ni ‘Maring’ habang ito ay papalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Ayon pa sa konseho, 3 tao ang namatay sa insidente ng landslide sa La Trinidad, Benguet, isa sa Itogon, Benguet, isa ang nalunod sa Claveria, Cagayan at apat naman ang nalunod sa Palawan dahil sa flashfloods.

Ayon naman sa 11 am weather bulletin ng PAGASA nitong Martes, si ‘Maring’ ay nasa 315 kilometers kanluran ng Calayan, Cagayan na may maximum sustained winds na 100 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at may pagbugso na aabot sa 125 kph at kumikilos na pakanluran sa bilis na 20 kph.

“Sa ating mga Kailyan, inihahanda na po natin ang lahat ng ating maaaring maitulong sa inyo. Nagpapasalamat rin po tayo sa ating mga volunteers at mga donors na nagpaabot ng tulong kahit na very short notice po. Makakaasa po kayong maipaparating natin ito sa ating mga kababayan,” dagdag pa ni Marcos.

Nagsabi rin ang PAGASA na magpapatuloy ang malakas at matinding pag ulan sa Ilocos region, Benguet, Ifugao, Abra at Mountain province. Pinag-iingat rin ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil maaaring magdulot ng mga landslides at malawakang pagbaha ang patuloy na pag-ulan.

AUTHOR PROFILE