BBM ‘the man to beat’ ngayong eleksyon

November 1, 2021 Marlon Purification 81 views

Marlon PurificationIKA-50 taon ng Martial Law sa darating na taon.

Setyembre 22, 1972 nang ideklara ni Pangulo pa noong si Ferdinand Marcos ang Proclamation No. 1081 na nagsasailalim sa Batas Militar ang buong bansa.

Hanggang ngayon ay mainit ang pagtatalo kung may buti bang naidulot ang Martial Law sa ating mga kababayan o punung-puno lang ito sa paglabag sa Karapatang Pantao.

Sabagay, anong administrasyon ba ang hindi naparatangan ng paglabag sa human rights? Bakit kinakalimutan ang madugong Mendiola massacre na naganap sa ilalim ng Cory administration kung saan ay 12 katao ang namatay at 51 pa ang nasugatan?

Ang masaklap, nagbuwis ng buhay ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita, ngunit hanggang ngayon o halos tatlong dekada na ang nakalipas ay hindi pa rin naipapamamahagi ng pamilya Aquino at Cojuangco ang mga lupang dapat sana’y pag-aaari na ng mga probreng magsasaka.

Habang nagpapatuloy ang pagtuligsa sa pamilya Marcos, napananatili naman ni presidential bet, dating Senador Bongbong Marcos ang magandang ratings nito.

Palagi siyang nasa Top 3 o madulas ay number 1 pa, kadikit sina Manila Mayor Isko Moreno at Davao City Mayor Sara Duterte na hindi pa rin malaman kung sasabak sa presidential race o hindi.

Totoong matagal pa ang Halalan 2022 at marami pang posibleng mangyari.

Pero kung papansining mabuti, wala pang inilalabas na political ads si BBM, ngunit napananatili nito ang sympathy ng masa.

Ang nakamamangha, kahit sa mga millennials ay may tagasuporta si BBM.

Kahit anong atake ang ginagawa laban sa kanya ay patuloy itong lumalakas.

Minsan nga, ang tingin natin kaya masyadong inaasinta si BBM dahil alam ng mga katunggali nito na si Marcos ang ‘man to beat,’ ngayong eleksiyon.

Sa personal kong tingin, kung hindi tatakbo si Inday Sara, malamang ay dikit ang laban nina Marcos at Isko.

Ang nakahahanga kay BBM, mula’t mula ay hindi ito nanira sa kanyang mga kalabanan. Sa halip ay malumanay nitong sinasagot ang anumang alegasyon laban sa kanilang pamilya.

Kahit noong nagdaang 2016 national elections, iba’t ibang masasakit na salita na ang naririnig nito sa kanilang kritiko, pero ‘ni minsan ay hindi nakitaan si Bongbong na nagalit o napikon man lamang.

Sa Facebook, kung anong dami ng bumabatikos sa mga Marcos, gayundin karami ang nagtatanggol sa kanya. Mayroon pa ngang isyu na ultimo raw si Nostradamus ay nahulaan ang pagiging presidente ng bansa ni BBM.

May nagsasabi naman na lahat ng anak ng Presidente ng Pilipinas na tumakbo sa halalan ay nananalo at nagiging Pangulo rin ng bansa.

Tulad nina President Gloria Macapagal-Arroyo na anak ni dating Presidente Diosdado Macapagal at ni Pangulong Noynoy na anak ni Pangulong Cory Aquino.

Iyong isa namang komento, ang sabi ay sa tindi ng mga pangit na bintang sa pamilya Marcos, hinding-hindi gagawa si BBM ng ikasisira pang lalo ng kanilang pamilya.

Dahil sakaling siya ang maging ika-18 Pangulo ng bansa, ang bukod tanging gagawin nito ay higit na palalakasin pang lalo ang mga proyektong nagawa ng kanyang ama at sisikaping patunayan sa buong mundo na mali ang mga naging akusasyon laban sa kanila.

Papatunayan nito na ang tunay na kasaysayan ay magaling, marunong at maraming nagawa ang mga Marcos para sa bayan.

Abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata dahil baka nga naman makabalik ang pamilya Marcos sa Malakanyang matapos ang 50 taong nakalipas.