BBM-SARA

BBM-Sara Uniteam inilunsad 1st Metro Manila ‘virtual caravan’

January 20, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 158 views

MATAGUMPAY na idinaos nitong Miyerkules ng BBM-Sara UniTeam ang kauna-unahan at natatanging ‘virtual caravan’ na pansamantala nilang ipinalit sa karaniwang caravan o pag-iikot sa mga probinsya, bilang bahagi pa rin ng pag-iingat sa Covid19.

Tumagal ng halos dalawang oras, pinangunahan ang naturang caravan nina presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at kanyang running mate na si Davao Mayor Sara Duterte, kasama ang ibang kandidatong senador ng UniTeam.

Kasama rin sa mga dumalo sina Sen. Imee Marcos, Sen. Win Gatchalian, Cong. Onyx Crisologo at MMDA Chair Benhur Abalos.

Nakilahok din ang mga miyembro ng Vice-Mayors League of the Philippines (VMLP), Philippine Councilors League (PCL), Metro Manila Councilors League (MMCL), Sangguniang Kabataan (SK), at ang libu-libo pang mga taga-suporta para marinig at mapanood ang BBM-Sara tandem at kanilang Senate slate na isa-isang nagbahagi ng kanilang mga adbokasiya at programa.

Ayon kay MMCL President at incumbent Valenzuela Councilor Rovin Feliciano sa kanyang opening remarks: “Ang mga (kasapi) ng Metro Manila Councilors League, kami po ay sumusuporta, makikinig at tutulungan ang UniTeam tungo sa mas maunlad na Pilipinas.”

Iginiit naman ni Sen. Gatchalian na itutuloy niya ang pagsuporta sa edukasyon ng mga kabataan lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Ang dating tagapagsalita ng Malakanyang na si Atty. Harry Roque, isusulong naman ang reporma sa hudikatura, ang pagsiguro sa malinis na tubig para sa lahat at ang pangangalaga sa mga biktima ng human rights at ang pagtitiyak na makakakuha sila ng karampatang danyos mula sa victims’ compensation fund.

Tututukan naman ni dating Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista ang pag-amyenda ng mga batas na hindi na akma sa pangkasalukuyang pangangailangan ng publiko.

Katulad ng programa ng BBM-Sara UniTeam isusulong din ni Bautista ang pagpapalakas sa digital infrastructure.

Si dating Senador Jinggoy Estrada naman ay nagpasalamat sa mainit na pagtanggap ng BBM-Sara UniTeam kasabay ng pangako na prayoridad niya ang mga batas na makalilikha ng trabaho sa mga Filipino na naapektuhan sa pandemya.

Isusulong naman ni dating Defense Sec. Gilbert “Gibo” Teodoro ang mga batas para sa local autonomy ng mga LGUs, digital at physical infrastructure, mababang presyo ng bilihin at ang pagpapalakas sa sandatahang lakas.

Itutuloy naman ni dating DPWH Secretary Mark “The Builder” Villar ang pagsuporta sa matagumpay na programa ng Durterte administration na Build Build Build.

Iginiit naman ni Inday Sara na nakipag-alyansa siya kay Bongbong, dahil bilang isa ring botante, naniniwala siya sa karanasan at kakayanan nitong mamuno sa bansa.

“Bakit ko po siya pinili na maging ka running-mate, bakit po kami bumuo ng UniTeam, dahil po as a voter importante po sa akin na yung taong nagpiprisintang maging pangulo, meron po siyang experience sa isang executive na position,” ayon kay Inday Sara.

“Yung experience po ni BBM na four years as governor ng Ilocos Norte, and one term sa House of Representative, and one term sa Senado, yun po ang nakita ko na malaki ang maitutulong sa kanya sa pagtatrabaho niya as president of our country,” dagdag pa ni Inday Sara.

Sa kanya namang talumpati, sinabi ni Marcos Jr., ang kahalagahan ng darating na halalan at ang pagkakaisa ng lahat para sa muling pagbangon mula sa pandemya.

“Dito sa halalan na ito makikita natin kung ano ang tutunguhan ng ating bansa. Dito tayo magdedesisyon kung saan ang mas magandang plano para sa bansa para tayo ay bumangon muli,” ani Marcos Jr.

“Ang aming ipinaglalaban ay kung paano natin mapagbuklud-buklod ang kakayahan, ang galing, ang sipag at bait ng mga Pilipino para tayo makapagtulungan kung paano tayo makalabas na sa Covid at makabalik na ang ating ekonomiya sa dati,” dagdag pa niya.

“Kung tayo’y talagang magkakaisa, hindi lamang tayo babalik sa dati, kundi mas gaganda pa ang sitwasyon dito sa Pilipinas. Nasa ugali ng Pilipino ang pagiging matulungin sa kapwa, iyan po ay dapat nating ibalik hindi lamang sa pulitika kundi sa pang araw-araw na buhay natin sa lipunan,” giit ni Marcos Jr.

Ang nasabing online Caravan ay nagsilbi ring take-off point para sa senatorial slate ng UniTeam. Kasama rin sa 10-man UniTeam senatorial lineup sina Sen. Migz Zubiri, Cong. Loren Legarda, Cong. Rodante Marcoleta at Atty. Larry Gadon.

AUTHOR PROFILE