BBM, Sara ipagpapatuloy legacy ng kanilang ama
17 sa 21 alkalde sa Masbate all-in sa UniTeam
MISMONG si re-electionist Masbate Gov. Antonio Kho ang nagpahayag na ang kanilang buong probinsiya ay todo suporta sa tambalan nina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at running-mate na si Inday Sara Duterte, kasabay ng pagsasabing malaki ang tiwala nilang ipagpapatuloy nina Bongbong at Sara ang legasiya ng kanilang mga ama na kapwa itinuturing na pinakamahuhusay na mga presidente ng bansa.
Sa panayam bago ang pagdating ni Marcos sa Masbate Airport para sa ‘campaign sortie’ nitong Sabado, sinabi ni Kho na ang kanilang local leaders at mga kababayang Masbateno ay naniniwalang tutumbasan nina BBM at Sara ang kapwa kagalingan nina dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at Pangulong Rodrigo Duterte.
“BBM kasi ngayon lang na-realize ng mga tao, in my own personal analysis, na ang ginawa ng ama ni Bongbong Marcos ngayon lang na-realize, tama pala ang ginagawa,” ani Kho.
“BBM will continue the legacy that his father has started. Same with Sara, Sara will continue the legacy of his father,” sabi pa ng gobernador.
Isang simple at maikling dayalogo ang isinagawa sa Airport matapos ipakilala ni Kho si Marcos sa mga local officials ng probinsiya.
Ayon sa opisyal, 17 sa 21 mayor sa kanilang probinsiya ang “all-in” para sa UniTeam.
“With the political machineries that we have. We are now in full-battle gear and ready to work to give our full support,” dagdag pa ni Kho.
Kasabay nito, tiniyak ng mga local leaders ang “landslide victory” sa kanilang probinsiya ni BBM.
“Sinabi ko kay BBM kung wala nang oras ‘wag nang pumunta ng Masbate dahil tatlong presidentiable na ang naipanalo natin dito na hindi na pumunta … Ramos, Estrada and GMA. We made history when GMA won because his rival is Roco na taga Region 5,” wika pa ni Kho.
“This is another history in the making dahil BBM’s rival (Leni Robredo) is also from the region. Pero bago ako mapahiya may itatanong ako sa inyo? Kaya ba nating i-maximize ang boto for BBM?” tanong ng gobernador sa mga chief local executives ng lalawigan.
“Kaya!” sama-samang sigaw at tinig ng mga lokal na opisyal bilang sagot sa tanong ni Kho.
Ang Masbate ay may tatlong ‘congressional districts,’ 20 ‘municipalities’ at isang lungsod na may kabuuang 600,000 registered voting population noong taong 2019.
Si Kho rin ang kauna-unahang Bicolano governor na nagdeklara ng todo suporta sa UniTeam, bagay na sinasabi ng mga eksperto na malabo nang ma-solid ni Leni Robredo ang buong Bicolandia.
Nagpahayag na rin ng kanyang suporta si Catanduanes Gob. Joseph Cua para sa BBM-Sara UniTeam.
Si Camarines Norte Governor Edgar Tallado ay nag-endorso na rin sa BBM-Sara UniTeam noong Pebrero 8 kasabay ng pagdiriwang ng “Sara para sa Barangay” sa Daet City.