BBM: PRRD mahusay at tunay na lingkod bayan
ANG nananatiling mataas na tiwala ng taumbayan kay Pangulong Rodrigo Duterte ay nagpapatunay ng kanyang pagiging mahusay na lider at tunay na tagapagsilbi sa mga Pilipino, ayon kay presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Sa isang panayam matapos ang SMNI presidential interview, sinabi ni Marcos na lubos ang pasasalamat ng mga Pilipino sa mga nagawa ni Duterte para sa bansa.
“We wish him a very happy birthday and we will always be grateful for all that he has done for our country and I think that is reflected on how Filipinos now react to him,” sabi niya bilang pagbati sa kaarawan ng pangulo.
“He has been a true leader and he has been a true servant of the people that is why people trust him and still believe in him,” dagdag pa ni Marcos.
Ipagdiriwang ni Duterte ang kanyang ika-77 na kaarawan ngayong Marso 28.
Ayon kay Marcos, mahirap na mapanitili ang tiwala ng taumbayan ngunit nagawa ito ng pangulo sa loob ng anim na taon.
Dagdag pa niya ay marami siyang natutunan kay Duterte.
Noong Marso 24, kinumpirma ni Presidential Communications Secretary and Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar na nagkita ang pangulo at si Marcos kung saan nagkaroon sila ng produktibong pagpupulong.
Binahagi ni Duterte ang kanyang mga karanasan at pananaw sa mga nangyayari sa kasalukuyan pati na rin ang mga napagtagumpayan ng pamahalaan at binigyan niya din ng mga payo si Marcos.
Nito lang ay inendorso ng partido ni Duterte na PDP- Laban ang kandidatura ni Marcos at kanyang runningmate na si Sara Duterte.
Ayon sa Malacañang, ang hiling ng pangulo para sa kanyang kaarawan ngayong taon ay isang malinis, patas at tapat na halalan.