BBM

BBM miting de avance sa mga OFWs

March 30, 2022 Marlon Purification 761 views

Manggagaling mula 35 bansa,lalahok sa April 1:

MILYON-MILYONG Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa 35 iba-ibang bansa sa mundo ang inaasahang sasali sa miting de avance ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., sa darating na April 1.

Ayon kay Partido Federal ng Pilipinas (PFP) secretary general Thompson Lantion, kauna-unahang mangyayari sa kasaysayan ng pulitika sa bansa na magkakaroon ng malakihang miting de avance ang isang presidential frontrunner para sa mga OFWs.

Gaganapin ito dakong alas-6:00 ng hapon ngayong Biyernes (sa Pilipinas) kung saan ay makakasalamuha ni Marcos ang mga kababayang OFWs na nagtatrabaho o nakatira na ngayon sa abroad.

Sinabi ni Saidah Tabao Pukunum, chairperson ng PFP-OFW International Affairs, aabot sa 10 milyon OFWs ang nasa loob at labas ng bansa ngayon.

Ang 1.7 milyon na bilang nito ay mga registered voters na magiging bahagi ng ‘absentee voting’ na magaganap umpisa sa April 10 hanggang May 9 elections sa Pilipinas.

“Marami po ito dahil iyong hindi makakasali sa zoom ay puwedeng makapanood via Facebook,” sabi pa ni Pukunum.

Si Marcos ay mananatili sa isang lugar sa Hilton Hotel sa Resorts World at doon niya makakadaupang palad via zoom ang mga kababayang OFWs.

Magkakaroon ng isang maikli ngunit makabuluhang programa kung saan maririnig ng mga OFW’s ang mga plata porma de gobyerno ni Marcos.

Inaasahang kabilang sa mga plataporma na ilalatag ni Marcos ay ang mga plano niya para sa mga bayaning kababayan na nagtatrabaho sa labas ng bansa, gayundin ang para sa kapakanan ng kanilang pamilya.

Ilan sa mga bansang may OFWs na inaasahang dadalo sa ‘miting de avance’ ay mula sa Thailand, Vietnam, Hongkong, Macau, Singapore, Brunei, Japan, New Zeland, Australia, Cambodia, Taiwan, Turkey, Cyprus, Switzerland, United Kingdom, Italy, France, Moscow, Armenia, Spain.

United Arab Emirates, Egypt, Qatar, Jeddah, Kuwait, Oman, Bahrain, Israel, Kingdom of Saudi Arabia, Canada, Chile at marami pang iba.

Ayon kay Jeremy Harry Amar, presidente ng PFP-OFW International Affairs, bukod sa 35 bansa na may OFWs, karamihan sa mga ito ay nasa iba-iba ring states, probinsiya o rehiyon.

Tulad na lamang ang pitong emirates ng UAE sa Dubai, Abu Dhabi, Um Al Quwain, Sharjah, Fujairah at Ras Al Khaimai.

Gayundin ang Rome at Milan sa Italy; Jeddah at Riyadh ng KSA, ang iba pang states sa bansang Amerika at mga probinsya naman sa Canada tulad ng Winnipeg, Vancouver, Toronto at marami pang iba.

Maliban kay Marcos, makakadaupang palad din ng mga OFWs ang running-mate nitong si Inday Sara Duterte at iba pang senatoriables ng BBM-Sara UniTeam.