BBM

BBM: Mas mataas na antas ng ekonomiya kumpara bago pandemiya

April 4, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 399 views

MAS mataas na antas ng ekonomiya ng bansa ang pangako ni presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) kapag siya ay papalaring manalo sa darating na halalan.

Ayon kay Marcos, nais niyang mapabilis ang sistema ng pamahalaan sa oras na maupo na ang bagong administrasiyon upang agarang masimulan ang pagpapabalik ng sigla ng ekonomiya ng bansa.

“Lagi kong sinasabi na ang ambisyon ko ay dalhin ang Pilipinas hindi kung saan tayo nanggaling, yung kalagayan natin bago magkaroon ng pandemiya, kundi pasikatin at lalo pang pasiglahin ang ating ekonomya,” sabi niya.

Nang tanungin kung papaano niya mapapanumbalik ang ekonomiyang nasira ng pandemiya, sinabi ni Marcos na may nakahanda siyang “roadmap” na nakasentro sa paglilikha ng trabaho na aniya’y magsasaayos ng sistema upang mas mapataas pa ang ekonomiya.

“In the next few weeks, dahan-dahan ko ng ipapahayag ang detalyadong plataporma ng UniTeam. Ang priority dyan ay MSMEs (micro, small, and medium enterprises), at ating agrikultura, yung health care, infrastructure, kuryente. That is the way to do it. Ang nakita kong nangyari sa pandemiya ay ang kakulangan ng sistema,” wika niya.

Dagdag pa ni Marcos, maraming aral ang nakuha sa nangyaring pandemiya na nagpahanda sa susunod na lider upang malagpasan ang mga darating pang hamon.

“Kaya kailangan natin tiyakin na kapag may dumating uli hindi lang pandemiya, kahit na ano, huwag naman sana giyera, pero kailangan nating maging handa. Talagang malaking trabaho ng susunod na administrasyon,” pagdidiin niya.

“Walang kaduda-duda yun. Ang unang-unang dapat tugunan ng susunod na administrasyon ay ang magparami ng trabaho,” dagdag pa niya.

Ayon kay Marcos, kawalan ng trabaho at kahirapan ang laging unang papasok sa isipan ng Pilipino kapag napag-uusapan ang tungkol sa COVID-19.

“His least worry ay yung sakit. Ang sasabihin magtatrabaho ako kahit may sakit basta may maipakain sa pamilya. This will be one of our priorities. Kaya ang tawag ko dyan ay ‘jabs to jobs’. The next objective is to provide them with jobs,” sabi niya.

Sinisiguro din ni Marcos na magkakaroon ng malakas na health care system ang bansa na siyang magbibigay lakas sa mga doktor at nurses na lubos na nahirapan dahil sa pandemiya.

“We have to go back to basic dahil nakita naman natin tinamaan tayo ng sakuna marami na sa ating mga systems ang hindi gumana. Kaya kailangan natin tiyakin na kapag may dumating uli hindi lang pandemiya handa tayo at ang ating gobyerno na tumugon sa mga hamon,” sabi niya.

AUTHOR PROFILE