BBM

BBM mariing itinanggi ang ‘Tallano gold’

January 25, 2022 People's Tonight 500 views

MARIING itinanggi ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang sinasabing Tallano gold sa gitna ng kumakalat sa social media na plano niyang ipamahagi ang mga ito sa taumbayan kapag siya’y nanalo sa darating na halalan sa Mayo.

“Sa buong buhay ko, hindi pa ako nakakita ng gold na ganyan. Marami akong kilala na kung saan saan naghuhukay pero ako wala pa akong nakikita na kahit anong klaseng gold na sinasabi nila,” wika ni Marcos sa panayam ng One News PH.

“Baka may alam sila, sabihan ako, kailangan ko yung gold. Wala pa akong nakikitang gold,” dagdag pa niya.

Ginawa ni Marcos ang pahayag upang pabulaanan ang kinakalat ng kanyang mga tagasuporta sa social media na nagbayad ang royal Tallano family sa yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ng daan-daang toneladang ginto para sa kanyang serbisyo bilang abogado.

Bago rito, itinanggi ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na mayroon siyang nalalaman ukol sa Tallano gold, na sinasabing pinagmulan ng yaman ng pamilya Marcos.

“To be candid with you, I have always been candid with all of you. Hindi ko alam,” ani Rodriguez.

Tinawag naman ni Senadora Imee Marcos ang Tallano gold bilang “urban legend” sa isang panayam sa telebisyon.

“I think its fun to think of all the gold, and it continues to be urban legend,” wika ni Sen. Marcos.

AUTHOR PROFILE