
BB nasasaktan sa reaksyon ng ina sa kanya
ILANG taon matapos lumabas ni Rustom Padilla bilang isang gay at pangalanan ang sarili bilang si BB Gandanghari ay masasabi niyang mas tanggap na siya ngayon ng kapatid na si Robin Padilla.
Sa Fast Talk with Boy Abunda kinumusta ni King of Talk Boy Abunda ang relasyon ni Robin noon kay Rustom, at ngayon kay BB.
Ayon kay BB, ay malaki ang pagkakaiba ng kanilang relasyon.
“Si Robin at si Rustom, ay brothers so they treat each other as brothers and then ang pinakamalaking pagkakaiba, tinatrato ni Robin si Rustom as kuya. Ngayon ang relasyon ko kay Robin is brother and sister. Ramdam na ramdam ko ‘yan.”
Kuwento pa niya, tuwing magkasama sila lumalabas ay tinatrato talaga siya ni Robin bilang isang babae, katulad na lang ng pagpapauna sa kaniya sa pila dahil umano “Ladies first” pati na ang pagpapasuot sa kaniya ng hijab nang magpunta sila sa mosque sa Taiwan.
“Nire-recognize niya lahat ng iyon. He’s treating me as a sister now more than a brother. And then also, dahil iba na ‘yung personality, tinatrato niya ‘ko bilang mas batang kapatid,” pagpapatuloy ni BB.
Pag-amin ni BB na noong una ay hindi tanggap ng kanyang kapatid ang kanyang transition mula sa pagiging isang lalaki para maging transgender woman.
Katunayan, meron pa umanong pagkakataon na ayaw siyang makita ng kanyang nakababatang kapatid. Pero nagbago ang pakikitungo ni Robin sa kanya dahil din sa kanilang ina na si Eva.
Kwento ni BB, umuwi siya sa Pilipinas dahil rin sa kanilang ina na si Eva na ayon sa kanya ay nagde-deteriorate na. Napag-usapan din nila ng kapatid na si Robin na umuwi na lang siya para sa kanilang ina, at sa Pilipinas na magdiwang ng kaniyang kaarawan.
Sa isang video na pinost ni BB sa Instagram, makikitang pilit niyang kinakausap ang mommy Eva niya, ngunit hindi na ito sumasagot.
Pag-amin ni BB: “It wasn’t even a surprise to me anymore. Everytime I would talk to her on the phone, she would ask ‘yung caregivers niya, ‘Sino siya?’ and it would break my heart. I would tell my friends sa Amerika na ‘I think it’s the most painful na ‘yung pag sinabi ng mama mo na, ‘Sino ka?’ So sabi ko, ‘Teka, uuwi ako,'” pagtatapos niya.
Antonio nakaranas ng bullying
IKINUWENTO ni Antonio Vinzon, anak ng veteran actor na si Roi Vinzon, na hindi siya nakaligtas mula sa pambu-bully dahil sa kanyang katabaan noong bata pa siya.
“Noong bata po ako, sobrang tabain talaga ako. And grabe po ‘yung discrimination, I get bullied everyday for a couple of years,” ayon sa isa sa bida ng GMA TV series na “Mga Batang Riles.”
Nakarinig din siya ng masasakit na salita na itinawag sa kaniya.
“Baboy,’ ‘pooka fish,’ ‘bumalik ka sa nanay mo.’ Lagi po akong binu-bully kaya nawawalan po ako ng confidence. Sometimes I want to quit na sa school dahil sa bullying. Sinusuntok ako everyday ng mga hindi ko kilala,” sabi pa ni Antonio.
Sa kabila ng naranasan, hindi raw ito ikinuwento ni Antonio sa kanyang mga magulang. Dahil sa naranasang pambu-bully, sinubukan niyang magbawas ng timbang.
“Nagulat nga po sila bakit ako pumayat agad for two months lang. Hindi po ako kumain, nag-diet po talaga ako. Hindi ako kumakain ng pagkain, inom ng tubig, ‘yun lang ang ginagawa ko sa buong buhay ko for two months. Na-shock po sila sa transformation ko na pumayat,” sabi niya.
Ayon pa sa Sparkle Teen, mula 20 hanggang 40 pounds ang nawala sa kanya.
Jean natutuwa para kay Ruru
MAGBABALIK ang aktres na si Jean Garcia sa upcoming action-adventure series na Lolong: Bayani ng Bayan.
Muli niyang bibigyang-buhay ang karakter ni Dona Banson, asawa ng isang makapangyarihang pulitiko pero ngayon ay nakakulong na.
Sisikapin niyang maghiganti sa bida ng seryeng si Lolong, na muling gagampanan ni primetime action hero Ruru Madrid.
Masaya si Jean makatrabaho muli si Ruru Madrid na minsan na niyang inilarawan bilang mahusay na leader noong nag-lock-in taping sila sa unang season ng Lolong.
Lubos din niyang ikinagalak ang pagkapanalo nito bilang Best Supporting Actor para sa award-winning film na Green Bones nitong nakaraang 50th Metro Manila Film Festival.
“Magaling na aktor! Ang laki na (ng improvement). Mula noon hanggang ngayon, malaki ang pagbabago. Saka ‘yung doble sipag siya eh, parang 10 times pa nga ‘di ba? Napakasipag na bata,” papuri ni Jean kay Ruru.
Natutuwa rin siya na halos sunud-sunod ang naging mga proyekto ni RuRu.
“Biro mo after niya sa Black Rider, sandali lang siya nagpahinga, gumawa niya ng pelikula. Pero habang ginagawa niya ‘yung pelikula, nagte-training siya for Lolong. Ang hirap noon, ‘di ba? Nagte-training ka for Lolong pero gumagawa ka ng ibang character na naman na malayo sa Lolong. Ibang Ruru naman ‘yung napanood sa Green Bones eh. Nakakatuwa si Ruru,” sambit niya tungkol sa co-star.
Abangan ang dambuhalang pagbabalik ng number one adventure serye sa Philippine primetime at 2022’s most watched TV show sa pangalawang season nitong Lolong: Bayani ng Bayan, simula January 20, 8:00 p.m. sa GMA Prime.