Bayanihan 1, ‘Best Global Practice’ vs. COVID-19!

June 4, 2021 Paul M. Gutierrez 156 views

Paul“NGANGA” na naman ang mga kritiko ng administrasyon sa talagang ‘good news’ na ito, mga kabayan:

“Nagbunga” ang pagsisikap ng administrasyong Duterte at ng ating bansa sa pangkalahatan dahil hinirang at kinilala ang ‘Bayanihan 1 To Heal As One Act’ bilang isa sa mga global best practices sa pagharap sa problema dala ng pandemyang COVID-19.

Aba’y mantakin ninyo naman, apat lang na bansa sa buong mundo ang ginawaran ng ganitong karangalan at pagkilala.

Kasama na dito ang bansang Australia, Norway at Peru.

Ang pagkilala ay ginawa ng Internatioanl Budget Partnership o IBP, isang ‘independent watchdog’ na nagtataguyod sa transparent, inclusive, at accountable budget process ng mga pamahalaan sa buong mundo.

Sa isang ulat na ipinalabas noong nakaraang buwan ng IBP, pinuri nito ang Pilipinas sa pagsisikap na harapin ang pandemya ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagsasabatas sa Bayanihan 1, partikular na ang lingguhang ulat upang masiguro na maipapatupad ng maayos ang mga programa sa COVID response.

Alam naman natin na ang Bayanihan 1 ay naisabatas noong si dating Speaker Alan Peter Cayetano pa ang pinuno ng Kamara.

Ito po ay pinagpuyatan ng mga kongresista sa pamamagitan ng makasaysayan at kauna-unahang hybrid session sa kasagsagan ng pandemya noong nakaraang taon. Ilan lang sa mga kongresista ang nasa plenary hall noon at ang mayorya ng mga ito ay dumalo via Zoom.

Kung matatandaan, ang Bayanihan 1 To Heal as One Act ang kauna-unahang batas na pinagtibay ng ating bansa upang salagin ang matinding epekto ng pandemyang COVID-19 sa kalusugan, kabuhayan, at kapakanan ng mga Pilipino.

P275 bilyon ang kabuuang pondo ng Bayanihan 1 na inilaan para sa pagbibigay ng Social Amelioration Program o SAP sa milyon-milyong pamilyang Pilipino.

Ito din ay ipinambili ng PPE ng mga frontliners, testing kits, medical supplies at pagtatayo ng mga quarantine facilities at isolation centers para sa mga COVID-19 patients.

Ito ay nagbigay ng kapangyarihan kay Pangulong Duterte na harapin ang pandemya sa pamamagitan ng ‘3R formula ni Speaker Alan– ‘re-align,’ reallocate at reprogram ng kaban ng bayan laban sa COVID-19.

Pagkatapos ng Bayanihan 1, isinabatas din noong nakaraang taon sa liderato ni Cayetano sa Kamara ang Bayanihan 2 na follow-up stimulus package sa Bayanihan 1.

Di lang natin maintindihan kung bakit tila makupad ngayon ang Kamara sa pagsasabatas ng Bayanihan 3?

Hmm. Dahil ba hindi na-certify ni Pang. Rody na ‘urgent bill’ ang panukala ay di na dapat aksyunan ng mabilis gayong malaki pa ang problemang kinakaharap ng ating bayan dahil sa COVID-19?

Ang nakalulungkot pa, tig-P1K lang na ayuda para sa bawat Pilipino ang nakapaloob sa Bayanihan 3.

Ano ba ang magagawa ng P1K, sa totoo lang? Sana naman, naiisip ng ating mga mambabatas na hindi na lang ito pantawid kundi pang ahon na. Sa mga miyembro ng Kongreso, ang panawagan tuloy ay, ‘Hoy, gising!’

Unahin po natin na bigyang prayoridad ang tulong na kinakailangan pa din ngayon ng taong bayan; maging ‘responsive’ naman po tayo sa tawag ng panahon.

Extraordinary times need extraordinary measures. Wag kukupad-kupad! Wag pulos pulitika, huwag puro impeachment at huwag ‘ChaCha’ ang unahin.

Agarang aksyon ang kailangan natin ngayon, mga bosing, hane?

Abangan!

AUTHOR PROFILE