Marlon

BAWAL MALIGO SA BAHA!

August 15, 2024 Marlon Purification 172 views

BIGLA akong napakamot sa ulo nang marinig ko ang balitang aarestuhin daw ang sinumang mahuhuling naliligo sa baha!

Paraan daw ito para hindi na dumami pa ang bilang ng mga pasyenteng nagkakasakit ng leptospirosis at maiiwas ang lahat sa anumang panganib na kakaharapin sa paliligo sa baha.

Totoo na halos palubugin ng habagat at Bagyong Carina ang Metro Manila, pati ang kanugnog na probinsiya noong July 24.

Na sa kabila ng nakalubog nilang tahanan ay ilan pa sa ating mga kababayan ang tuwang-tuwa na naligo kundi pati mga matatanda man.

Dito makikita ang magandang kaugalian ng Pinoy. Bagaman lugmok sa problema, nakukuha pa nilang magsaya sa kaya nilang paraan.

Aminin natin o hindi, ang paliligo sa baha ay noon pa ginagawa ng mga tao lalo sa Metro Manila. Wala silang pinangingilagan. Bahala na kung ano ang mangyari. Basta ang iniisip nila ay makapag-enjoy sa paglangoy sa baha.

Hindi rin lamang sa baha naliligo ang mga tao kundi pati na rin sa estero na umaapaw sa basura. Walang takot kung lumangoy at sumisid kapiling ang iba’t ibang basura at dumi.

Dalawang linggo, dumami na ang bilang ng pasyente sa National Kidney Institute at San Lazaro Hospital na may sintomas ng leptospirosis. Napuno ng pasyente ang dalawang hospital na sa huling report ay kulang 3,000 na ang kaso.

Sinabi ni DOH Secretary Ted Herbosa sapagkat mas maraming di-hamak ang lepto cases ngayon kaysa noong naka­raang taon. Apat na rin ang namamatay sa sakit.

Sa nangyayaring pagtaas ng bilang ng kaso ng lepto, sinabi ni Herbosa na hihilingin niya sa mga lokal na pamahalaan na magpasa ng isang ordinansa na mahigpit na magbabawal sa paliligo sa baha.

Kung may ordinansa, hindi na aniya darami ang kaso ng lepto at hindi na mahihirapan ang DOH na tugunan ang mga kaso ng leptospirosis.

Ayon kay Herbosa, maiiwasan naman ­ang leptos­pirosis kung hindi maliligo sa baha. Ang baha ayon kay Herbosa ay kontaminado ng ihi ng daga at iba pang hayop. Halu-halo na aniya ito sa baha na pinag­liliguan ng mga bata at maski matatanda.

Magpapasaklolo na rin daw sila sa Metro Manila Development Authority (MMDA) upang ipagbawal ang paliligo sa baha. Hihikayatin din niya ang MMDA na siguruhin na nakokolekta ang mga  basura na pinamamahayan ng mga daga.

At higit sa lahat, maging ang lahat ng Local Government Unit (LGUs) ay inaasahan din nilang maglalabas ng kani-kanilang ordinasya para magbigay ng karampatang parusa sa mga kababayan nilang naliligo sa baha.

Wala tayong kuwestiyon sa layunin ng pamahalaan para maiiwas sa anumang sakit lika ng tubig baha ang ating mga kababayan.

Pero para sa akin, may mayroong dapat na mas mabigat na programa para matugunan ang problema sa baha na hindi lamang lumilikha ng sakit sa ating mga kababayan kundi pumeperwisyo pa sa mga kagamitan at ating ari-arian.

Una, hindi magkakaroon ng malawakang baha kung maayos lamang talagang naipatutupad ang paggawa ng flood control project.

Paulit-ulit at palagi na nating sinasabi na dapat ‘integrated’ ito, komprehensibo at kongkreto ang pagpaplano.

Naniniwala kasi tayong kung maayos lamang ang ginagawang proyekto, hindi magkakaroon ng malawakang baha.

Dapat ay mas higpitan at mas bigyan ng kaparusahan ang mga kababayang hindi sumusunod sa pagtatapon ng basura sa mga dapat nilang kalagyan.

Dapat ay magkaroon ang disiplina ang lahat at higit lalo ay dapat magkaroon ng ‘political will’ ang pamahalaan para pagtuunan ng servosong pansin ang problema sa ating mga flood control project, urban planning at pagtiyak sa kaligtasang pangkalusugan ng lahat.

Naniniwala rin ako na hindi naman lahat ng nagkakaroon ng letpospirosis ay mga naligo sa baha kundi karamihan sa kanila ay talagang ‘nakapagtampisaw’ lamang sa baha dahil ‘no choice’ sila na gawin iyon dahil lubog na ang kanilang kabahayan, lubog pa ang buong kakalsadahan.

Pangit din tingnan na naperwisyo ka na sa baha ay sila pa ang pinarurusahan.

HIndi ba’t mas dapat parusahan ang mga walang nagagawang matinong proyekto para matugunan ang problema sa baha?

Huwag nating kalimutan na P1 billion per day ang budget ng pamahalaan para maisaayos ang ating flood control project. Kung paano nila naubos ito, iyan ang hindi natin alam!

Opinion

SHOW ALL

Calendar