BATANGAS BUS TERMINAL PINASABOG
SIYAM na bus ang napinsala matapos na sumabog ang isang granada sa loob ng isang terminal nitong Linggo ng madaling araw sa Laurel, Batangas.
Batay sa ulat ng Philippine National Police, naganap ang insidente dakong 3:30 ng madaling araw sa terminal ng Magnificat Transport na matatagpuan sa Barangay Bugaan East sa Laurel.
Ayon sa security guard ng terminal na si Albert Serrano, nagpapahinga siya sa loob ng isa sa mga nakaparadang bus nang marinig niya ang malakas na pagsabog.
Dahil sa lakas ng pagsabog, nabasag ang mga salamin ng mga bus na nakaparada sa loob ng terminal.
Wala namang naiulat na nasugatan o nasaktan sa naganap na insidente.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang malaman kung sino ang nasa likod ng pagpapasabog.