Default Thumbnail

Batang babae, 8, patay sa SUV

June 17, 2022 Melnie Ragasa-limena 294 views

PATAY ang 8-anyos na batang babae nang araruhin ng isang SUV (sports utility vehicle) sa Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Jamela Joy Q. Perez, 8, at naninirahan sa Escopa 3, Quezon City.

Agad namang sumuko ang driver ng Ford Expedition SUV na nahaharap ngayon sa reckless imprudence resulting in homicide.

Sa report ng Traffic Sector 3 ng Quezon CIty Police District (QCPD), bandang 5:00 ng hapon, Hunyo 16 nang maganap ang aksidente sa kanto ng Katipunan at Aurora Boulevard, Bgy. Loyola Heights, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PSMS Jose S. Soriano ng Traffic Sector 3 ng QCPD, binabaybay umano ng suspek ang kahabaan ng Katipunan galing Marikina.

Pero nang kumaliwa ito sa Katipunan ay biglang umanong sumulpot ang bata at nasalpok ng minamanehong SUV ng suspek.

Sa lakas ng pagkakatama ay tumilapon ang bata at humampas ang ulo sa semento kaya isinugod agad sa Quirino Memorial Hospital pero binawian din ito nang buhay.