Default Thumbnail

‘Bata’ ng drug lord, todas sa buy-bust

May 16, 2023 Zaida I. Delos Reyes 201 views

PATAY ang umano’y kasamahan at may kaugnayan diumano sa “self-confessed drug lord” na si Kerwin Espinosa matapos na manlaban sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad nitong Lunes sa Ormoc City na nagresulta din sa pagkakakumpiska ng P10.2 milyong halaga ng shabu.

Ang suspek ay residente ng Barangay Linao, Ormoc City, batay sa ulat ng pulisya.

Ang buy-bust operation ay ikinasa ng mga tauhan ng Police Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) sa Barangay Tambulilid.

Ayon sa ulat, nakabili ang nagpanggap na buyer ng apat na plastic sachets ng shabu na nagkakahalaga ng P100,000.

Gayunman, sa gitna ng transaksyon ay natunugan ng suspek na pulis ang kanyang mga kaharap kung kaya’t agad niyang binunot ang kanyang baril at nagpaputok, dahilan upang gumanti ng putok ang mga awtoridad.

Ang suspek ay nagtamo ng tama ng bala sa katawan at isinugod sa Ormoc District Hospital subalit hindi na umabot ng buhay.

Nakuha mula sa kanyang pangangalaga ang may 1.5 kg ng shabu, dalawang digital weighing scales, kutsara, at bundle ng plastic na walang laman.

Nakuha din sa bulsa ng suspek ang P100,000 cash.

Sinabi ni Ormoc City Police Chief Colonel Nelvin Ricohermoso na ang suspek ay itinuturing na “high-value individual” (HVI).

“We are glad such a bulk of drugs was trapped before reaching the streets,” pahayag ni Ricohermoso.