Bata nalunod nang makatulog ang ina

September 14, 2022 Edd Reyes 120 views

NALUNOD ang isang apat na taong gulang na batang lalaki nang mahulog sa dagat makaraang makatulog ang kanyang ina na katabi sa higaan Martes ng hapon sa Navotas City.

Tinangka pang iligtas ng kanyang ama ang biktima nang lumangoy upang i-ahon ang anak nang makitang lumulutang sa baybaying dagat sa Santiago St. Barangay Sipac-Almacen subalit patay na nang maisugod sa Navotas City Hospital.

Sa imbestigasyon ng pulisya, magkatabi sa higaan ang bata at ang 21-anyos niyang nanay sa kanilang bahay sa Dulong Santiago, Bgy. Sipac-Almacen nang makatulog ang ginang.

Nang magising ang ina ng bata dakong ala-1:30 ng hapon, wala na sa tabi niya ang anak kaya’t tinawag niya ang kanyang asawa na kaagad na hinanap ang anak hanggang makitang lumulutang na sa dagat ang bata.

Ayon kay P/SSgt. Reysie Peñaranda, imbestigador ng Navotas Police Homicide Section, hindi na pina-awtopsiya ng mag-asawa ang bangkay ng anak sa paniwalang aksidente ang nangyaring pagkasawi ng bata.

AUTHOR PROFILE