Trahedya Inilagay sa body bag ang bangkay ng 8-taong gulang na bata na tinangay ng agos nang mahulog sa creek sa Caloocan matapos matagpuan sa ilalim ng tulay sa Marilao, Bulacan.

Bata nahulog sa creek sa Caloocan, bangkay nakuha sa Bulacan

June 18, 2024 Edd Reyes 250 views

NAUWI sa trahedya ang paliligo sa ulan ng tatlong batang lalaki nang mahulog sa Pag-asa creek ang isa sa kanila noong Lunes sa Caloocan City.

Kitang-kita pa nina alyas Luis, 10, at alyas Amar, 13, ang pagkahulog ng kanilang kalarong si alyas Jacob, 8, ng Phase 7-C, Package 7, Lot, 28, Block 51, Brgy. 176, Bagong Silang na mabilis na tinangay ng agos at nalunod.

Kumilos sina P/Capt. Joniber Blasco, acting commander ng Police substation 13, para hanapin ang bata pero gabi na hindi pa nahahanap ang biktima.

Sa ulat ni Capt. Blasco kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, naliligo ang magkakalaro sa ulan dakong alas-2:10 ng hapon nang madulas si Jacob at nahulog sa creek habang itinutulak nila ang pulang barrier sa ggilidng creek.

Nang makarating sa kaalaman ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang insidente, iniutos niya ang magdamag na paghahanap sa nawawalang bata.

Dakong alas-8:00 ng umaga ng Martes ng marekover ang bangkay ng biktima sa Saog Bridge sa Marilao, Bulacan.

Sinabi ng alkalde na handang tumulong ang lokal na pamahalaan sa mga gastusin sa burol at pagpapalibing sa biktima.

AUTHOR PROFILE