Allan

Basurang mga pelikula at presyo ng tiket ang kumatay sa industriya

January 27, 2025 Allan L. Encarnacion 167 views

HANGGA’T hindi nagkakaisa ang theater owners at mga movie producers na mag-recalibrate ng kanilang business model, magigising na lang tayo isang umaga na nalusaw na ang mga sinehan sa buong Metro Manila or baka sa buong bansa.

Ang mga dating sinehan sa SM North na isa sa pinakamalakas na movie theater sa buong bansa ay na-convert na sa restaurant, sports shop at iba pang botique. Ang Trinoma cinema na dating 1 to 7; tatlo na lang ata ang operational.

Sa tuwing manonood kami ng sine, maganda man o pangit ang pelikula; mas marami pa ang langaw kaysa mga nanonood. Marami siguro ang sampu hanggang dalawampung tao ang nasa loob ng sinehan na ang kapasidad ay nasa 300 hanggang 400.

Marami nang artista ang hindi na kilala dahil bagsak na rin ang television production maliban sa iilang humihinga pa. At kung may pelikula mang magawa ang mga artista, lalo na iyong mga bago, hindi na halos kilala ng mga tao.

Isa sa mga factor ng bagsak na pagtanggap ng mga manonood ay unang-una, basura ang marami nating pelikula. Sa kategorya ng totoong pelikula, kapag binigyan mo ng grado ang mga nag-showing kailan lang, mataas na siguro ang 3 sa hatol na 10 ang pinakamataas.

Sa pinakahuling MMFF, mas marami ang garbage kaysa pinakinabangan. May isa naman akong napanood na maayos ang gawa, iyong Green Bones. Pero iyong dalawang napanood ko na, hindi ko na babanggitiin, mukhang sa poso negro ginawa dahil sa grabeng basura sa lahat ng aspeto ng pelikula. Sobrang baho ng pagkakagawa kaya talagang mabubuwisit kang panoorin, 1/4 pa lang ng pelikula, lumabas na ako!

Isa ito sa matinding dahilan kung bakit bumagsak ang pelikulang Pilipino, kagagawan na rin ng mga producers at directors na palaging nagre-recycle ng mga artista at tema.

Bukod dito, sobrang mahal ng tiket, umaabot sa P400 ang isang tao dahil puwersahang isinasama ang popcorn sa pagbili ng tiket. Hindi pa kasama ang tubig o drinks na hindi bumababa sa P50.00 hanggang P80.00.

Sa hirap ng buhay ngayon, sino naman ang gagastos ng P480 sa isang basurang pelikulang Pinoy?

ito ang sinasabi ko, kung magsasakripisyo lang ang mga artista, producers at direktor sa pagtapyas ng kanilang mga talent fee, makakayanang ibaba ng mga theater owners ang ticket price. Ang win-win solution sa presyo ng tiket minus popcon ay okey na ang P150 hanggang P180.00.

Tapos dapat itaas pa ang kalidad ng mga pelikula at camera shots na napaka-cheap at halatang kuha ng mga tinatamad na producers at directors! Hindi natin alam kung bakit ganitong klase ng mga pelikula ang nagagawa natin, inunahan na tayo ng Korean na kailan lang natutong gumawa ng pelikula.

Internationally accepted na ang Korean movies dahil alam mong ginamitan ng utak at lahat ng anggulo ng camera ay sinasangkapan ng tamang kuha.

Kung talagang desido na tayong maging basura at ayaw na nating palakasin pa ang theater industry, gawin na lang nating sanitary landfill ang mga sinehan para magkaroon naman ng playground ang mga bangaw na pumapasok sa tuwing may pelikula.

[email protected]