Siklo

Bashers, pinatulan ni Direk Roman

January 4, 2022 Ian F. Fariñas 237 views

SA virtual presscon ng bago niyang obra, Siklo, para sa Vivamax na pinagbibidahan ng mga baguhang sina Vince Rillon, Christine Bermas at Ayanna Misola, ay inamin ng direktor na si Roman Perez Jr. na kung minsan, pumapatol na talaga siya sa mga namba-bash sa mga proyekto niya.

Katwiran ni Direk Roman, na direktor din ng mga seksing pelikula tulad ng Adan, Taya at House Tour, “Kasi minsan ang iba sa atin nakita lang ang trailer, hinuhusgahan agad ang pelikula gaya ng panghuhusga rin ng ibang tao kapag nakakapanood ng Vivamax film.

“Again, sabi ko nga, panoorin muna natin and then kapag basura o pangit doon n’yo kami i-bash. Doon n’yo kami awayin o pintasan.

“Pero sa akin kasi napaka-cliche pero huwag muna tayong manghusga. Panoorin muna natin ang pelikula kung saan ba pupunta ang pelikulang ito. Kasi ang branding natin sa mga poster, siyempre, sexy pero ang kalakip nitong mga branding nito ay iyong istorya na very Filipino, very masa, na very nakakakonekta ito sa kaluluwa natin bilang mga Filipino.”

Personal daw para sa direktor ang Siklo dahil “’Yung idolatry ang lakas ng pwersang iyon, and then tungkol pa ito sa mga Grab driver na naging frontliner natin nitong pandemya.”

Bukod sa pagiging Pinoy, napapanahon din daw ang Siklo dahil kapag napanood ito ng moviegoers, eh, maaalala o maire-relate nila ito sa mga nangyayari sa bansa na hindi nga lamang naibabalita.

“Makare-relate agad iyong Vivamax audience rito. Bukod doon sa kanyang naratibo napaka-importante iyong istorya. Isa ito sa pinakamagandang screenplay na nai-produce o ginawa kong pelikula. Ito ‘yung maipagmamalaki kong kuwento.

“Actually, pwede nga itong ilaban sa festivals abroad — local or international. Kasi ‘yung content na dala niya napaka-universal and yet napaka-Pinoy, Pinoy ‘yung kultura,” depensa pa ni Direk Roman.

“Recent lang kasi siya nangyari. Pero noong una kaming nag-shoot, November last year, tapos na naming i-shoot ito nang lumabas iyong balita.

“Pero honestly may isang issue pala na ganoon sa isang religious group sa Pilipinas. Hindi lang naman iyon particular na ginawan natin ng kuwento, sari-sari rin, pinaghalu-halo, iba’t ibang religious group na kinasasangkutan dito sa Siklo. Hindi lang isa, mixed, iba’t ibang groups na mula noon hanggang ngayon,” paglilinaw pa ni Direk Roman sa pinagbasehan ng istorya ng pelikula.

Kasama rin sa cast sina Joko Diaz, Andrew Muhlach, Joonee Gamboa, Alma Moreno, Ayanna Misola, Rob Guinto, Axel Torres at iba pa, mapapanood na ang Siklo via streaming sa Vivamax simula January 7.

AUTHOR PROFILE