Bea

Bashers ng Alden-Bea team-up, sinagot ng 2 direktor

June 21, 2022 Ian F. Fariñas 272 views

MAY sagot sa bashers ang mga direktor na sina Jerry Sineneng at Dominic Zapata ng Start-Up series nina Alden Richards at Bea Alonzo sa Kapuso network.

Sa virtual mediacon kahapon, sinabi ni Direk Dom na sana ay panoorin muna ang serye bago magsalita ang bashers ng kung anu-ano tungkol sa unang pagtatambal nina Alden at Bea.

“Sana bigyan n’yo naman ng chance ang show,” pakiusap ni Direk Jerry.

Si Direk Dom naman, nagsabi na, “Haters are gonna hate. If you want to hate it then do so. There’s so much hate in the world” pero hindi raw siya masyadong naaapektuhan ng bashings dahil nga hindi siya gaanong aktibo sa social media.

Basta para raw sa kanila ni Direk Jerry, nagiging totoo lang sila sa kanilang craft at ginagawa nila ang lahat para makapagbigay ng magandang panoorin sa audience.

“We understand that being given a task this major, this big, we pull all the stops para ma-execute nang mabuti ang show,” diin pa ni Direk Dom.

In-assure rin ng dalawang direktor na ang franchise na minahal ng mga manonood ay nasa mabuting mga kamay. Hindi man plakado sa orihinal na Start-Up, may flavor naman daw na idinagdag para mag-swak sa panlasa ng mga Pilipino.

Samantala, ikalawang proyekto pa lamang ni Direk Jerry sa Kapuso channel ang Alden-Bea team-up.

Although kilalang mas malapit kay Bea bilang pareho silang dating Kapamilya, aminado ang direktor na naging fan siya ni Alden mula nang gawin nito ang hit Star Cinema film na Hello, Love, Goodbye, katambal si Kathryn Bernardo.

Noon pa lamang daw, marami na siyang narinig na magagandang komento tungkol kay Alden mula sa pagiging mabait nito’t mahusay umarte at lahat iyon ay napatunayan niyang totoo nang makatrabaho niya ito sa Start-Up.

Dagdag ni Direk Jerry, tipong may magic si Alden kapag nasa set dahil napapagaan nito ang pakiramdam ng lahat habang nagte-taping.

“Napakasarap nyang katrabaho, sana this won’t be the last,” saad pa ni Direk Jerry.

AUTHOR PROFILE