
Barko ng Navy sa Scarborough na pinalayas ng China papogi lang–AFP chief
“PROPAGANDA at papogi lang.”
Ito ang reaksyon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner sa naging pahayag ng China na pinalayas ng mga ito ang Philippine Navy gunboat na nasa Scarborough Shoal.
Ayon kay Brawner, walang katotohanan ang pahayag ng China at nagpapa-pogi lang ito para sa kanilang internal audience.
“Hindi, propaganda lang nila. Galing sa Beijing yon diba? Pina-verify na namin wala namang ganun na nangyari so sa tingin ko propaganda lang ng China yon,” pahayag ni Brawner.
Nilinaw ni Brawner na sa ngayon wala namang barko ng Philippine Navy sa lugar dahil nasa ibaba na ang mga ito sa may bandang timog at kahit pa noong mga panahon na pinutol ng Pilipinas ang floating barrier na inilatag ng China sa Bajo de Masinloc wala rin ang Navy dahil Philippine Coast Guard (PCG) ang nagbabantay sa lugar.
Tiniyak din ni Brawner na kung may barko man na nasa lugar na pinapalayas ng Chinese Coast Guard, hindi aalis ang mga ito dahil tungkulin nila na matiyak na makakapangisda ang mga Pinoy sa ating exclusive economic zone.
“Propaganda ng Chinese yan. It’s not true; there is no truth. If ever kung may barko tayo dun hindi tayo palalayasin. Hindi tayo papayag na palalayasin sa exclusive economic zone. It is our duty, it is our right to make sure that our fishermen can fish in our economic zone,” giit ni Brawner.
Ginawa ni Brawner ang pahayag bilang sagot sa sinabi ni China Coast Guard spokesperson Gan Yu na pinalayas ng mga ito ang barko ng Philippine Navy sa Scarborough Shoal na tinatawag nilang Huangyan island noong October 10.