Default Thumbnail

Barko nagliyab sa Basilan, 31 patay

March 30, 2023 People's Tonight 253 views

UMAKYAT na sa 31 katao ang kumpirmadong patay, marami pa ang nawawala at nasa 200 ang nailigtas matapos na masunog ang isang pampasaherong barko sa katubigan na sakop ng Basilan nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon sa inisyal na ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang insidente ay naganap dakong 11 p.m. sa karagatang sakop ng Baluk-Baluk Island, Hadji Muhtamad, Basilan.

Nakadaong umano ang MV Lady Mary Joy 3 sa pier nf Baluk-Baluk Island nang bigla na lamang sumiklab ang sunog.

Nakatakda sanang bumiyahe ang barko patungong Jolo, Sulu.

Ayon kay Basilan PDRRMO chief Nixon Alonzo, patuloy ang isinasagawang search and rescue ng mga tauhan ng Hadji Muhtamad Municipal DRRMO sa lugar upang mahanap ang iba pang nawawalang pasahero.

Dakong 3 p.m., sinabi ni Basilan Governor Jim Salliman na 18 pang katawan ang nadiskubre mula sa mga air-conditioned cabin ng barko.

Nauna nang naiulat na apat ang na-recover na patay sa barko at anim naman ang nakuha at dinala sa port ng Isabela.

Nakakuha din ng tatlong lumulutang ng bangkay ang mga search and rescue team na rumesponde sa lugar.

Posible aniyang tumalon ang iba sa dagat at nalunod habang ang iba ay kinakitaan naman ng senyales ng pagkasunog.

Nasagip naman aniya ang nasa kabuuang 195 pasahero at 35 crew mula sa nasusunog na passenger vessel.

Sa ulat naman ng Philippine Coast Guard-Basilan, nagtungo na sa lugar ang Search and Rescue (SAR) Team mula Coast Guard Sub-Station Maluso upang tumulong sa search and rescue operation kung saan may nakuha umano silang bangkay ng isang babae.

Ipinadala na rin ang dagdag na SAR Team na binubuo ng CGS Basilan, CGSS Lamitan at Special Operations Unit Team Lamitan.

Tumulong na rin ang BRP Cape Engaño, BRP Tubbataha at MCS 3007 sa search and rescue operations.

Samantala, sinusuri naman ng Coast Guard Station Basilan, kung mayroong senyales ng oil spill sa nangyaring insidente.

AUTHOR PROFILE