Default Thumbnail

Baril pumutok ng isuksok sa holster, PNP exec sugatan

November 8, 2021 Melnie Ragasa-limena 336 views

SUGATAN ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos na maputukan ang kaniyang hita nang isuksok niya sa holster ang kaniyang baril sa firing range sa Quezon City, nitong Linggo ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si PMGen Rolando J. Hinanay, 55, hepe ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) sa Camp Crame, at residente ng MOQ 12B, Alfredo St., Camp Crame, QC.

Sa report kay Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Antonio C Yarra, bandang alas-2:35 ng hapon (November 7), nang maganap ang insidente sa Second Bay, QCPD Firing Range sa Camp Karingal, Sikatuna Village sa lungsod.

Bandang alas-10: 45 ng umaga ay dumating umano ang heneral kasama ang kaniyang pamilya at mga kaibigan sa firing range bilang selebrasyon sa kaarawan ng anak na si Gabriel Hinanay.

Dahil sa wala naman umanong nilalabag sa ipinatutupad na minimum public health protocols standards (MPHS), ay pinayagan ang pamilya at mga kaibigan ni Gen. Hinanay na gamitin ang firing range.

Inasistehan umano ng range assistant na si Ronel Alcones si Gen. Hinanay habang hawak ang kaniyang sariling baril na Glock 9MM Gen. 5, nang bumaril sa target boards.

Pero nang mabilis na isinuksok ng heneral sa kaniyang holster ang baril ay pumutok ito at tinamaan ang kaniyang kanang hita.

Agad na isinugod ang PNP official sa Saint Lukes Medical Center at doon ay inoobserbahan pa ang tinamong bala sa hita.