Barbie, mabubuking ang sikreto

September 3, 2021 People's Tonight 253 views

Tutukan ang maaksyon at puno ng rebelasyon na pagtatapos ng Daig Kayo Ng Lola Ko presents Captain Barbie ngayong Linggo, September 5.

Hindi nagustuhan ni Goldino (Thou Reyes) ang pakikipagtulungan ni Captain Barbie (Barbie Forteza) sa mga pulis kung kaya dinakip nito sina Andrew (Anjo Damiles), Ysabel (Lianne Valentin), at Dave (Kimson Tan).

Habang nasa katauhan ni Captain Barbie, pinuntahan ni Bruce (Jeric Gonzales) ang hideout ng gold-loving villain na si Goldino upang iligtas ang kanyang mga kaibigang pulis.

Dito na nga ba matutuklasan ni Andrew na ang kanyang hinahangaang Captain Barbie ay ang kaibigan niyang si Bruce? Mailigtas pa kaya ni Bruce ang kanyang mahal na si Ysabel?

Tutukan ang exciting na pagtatapos ng Captain Barbie sa Daig Kayo Ng Lola Ko ngayong Linggo, 7 p.m., sa GMA-7.

JanineGood vibes at kilig, hatid nina Paulo at Janine sa ‘Marry Me…’

PAGBIBIDAHAN nina Paulo Avelino at Janine Gutierrez ang Marry Me, Marry You, ang unang Kapamilya teleserye nina Janine at Sunshine Dizon, na mapapanood sa Setyembre 13, 9:20 p.m., sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z at TV5.

Sa mga gustong makapanood ito nang maaga, ipapalabas ang serye sa iWantTFC app (iOs at Android) at sa iwanttfc.com sa Setyembre 11, dalawang araw bago ito iere sa TV.

Good vibes at kilig ang hatid ng mga karakter nina Paulo at Janine na sina Andrei at Camille, na magkaiba ang kinalakihang pamilya.

Masayahin si Camille at mayroong isang malaking pamilya sa piling ng kanyang tatlong ninang na sina Elvie, Marvi, at Paula (Cherry Pie Picache, Vina Morales, at Sunshine).

Kinupkop siya ng mga ito at tinuring nang anak pagkatapos pumanaw ang sarili niyang ina.

Tutuparin naman nina Elvie, Marvi, at Paula ang pangako nilang alagaan si Camille sa kabila ng sarili nilang mga problema sa pamilya at pag-ibig.

Iba naman ang nakaugalian ng masungit at mayamang negosyanteng si Andrei dahil sanay siyang nag-iisa at isinasantabi ng kanyang istriktong ama (Edu Manzano) at asawa nitong si Laviña (Teresa Loyzaga). Dahil lumaki sa isang broken family, hirap si Andrei na magtiwala at maghanap ng taong makakarelasyon nang matagal.

Pagtatagpuin sina Andrei at Camille ng isang aksidente. Hindi agad magkakasundo ang dalawa ngunit unti-unting mahuhulog ang loob nila dahil ipaparamdam nila sa isa’t isa ang totoong pagmamahal at kung ano ang mahalaga pagdating sa pamilya.

Ngunit magiging isang malaking pagsubok sa kanilang relasyon ang mga mahal nila sa buhay dahil madidiskubre nila ang isang sikretong mag-uugnay sa kani-kanilang mga pamilya.

Manggugulo rin sa pag-iibigang Camille at Andrei si Cedric (Jake Ejercito), ang best friend ni Andrei na may pagtingin kay Camille, at ang dating kasintahan ni Andrei na si Patricia (Iana Bernardez).

Malagpasan kaya nina Andrei at Camille ang problema ng kanilang mga pamilya? Matanggap ba ng kanilang mga pamilya ang pagmamahalan nila?

Mula sa direksyon nina Dwein Ruedas-Baltazar at Jojo Saguin, ang Marry Me, Marry You rin ang unang Kapamilya teleserye ni Jake.

Makakasama rin sa cast sina Lito Pimentel, Joko Diaz, Jett Pangan, EJ Jallorina, Luis Vera Perez, Fino Herrera, Meanne Espinosa, Mariella Laurel, at Adrian Lindayag, pati na rin sina Keann Johnson, Analain Salvador at Angelica Lao ng The Squad Plus.

Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

AUTHOR PROFILE