Barbie

Barbie, kinilig sa superhero role

August 11, 2021 Ian F. Fariñas 552 views

SI Barbie Forteza naman ang magbibida sa month-long special feature, Captain Barbie, ng Daig Kayo ng Lola Ko ng Kapuso network.

Dahil first time niya itong gumanap sa isang superhero role, kinikilig daw ang girlfriend ni Jak Roberto.

“Kinilig ako when they informed me about it, kasi as a child, I like watching superhero shows. And now I’m playing one and kapangalan ko pa as Captain Barbie. Ang cute pa ng costume ko. Super pink kaya very wholesome siya. I am really so happy na nagawa ko ito,” kwento ni Barbie sa virtual mediacon ng Captain Barbie.

Bilang super heroine, natural na mapapasabak daw siya sa maaaksyong eksena. Isang bagay na medyo bago rin para sa batang aktres.

“Kung dati, sa drama, mahahabang linya ang mine-memorize ko, dito, ’yung blocking at choreography ng fight routines ang minememorya ko. Wala nga akong masyadong lines dito, puro action.”

Tumanggi siyang i-share kung paano magkaka-power ang karakter niya sa Captain Barbie bukod sa pagsasabi na malaki ang kinalaman dito ng isang pink na batuta.

“O, ang cute, ’di ba?” natatawa niyang banggit.

“Feel na feel ko talaga ang costume ko, kasi very empowering. ’Yung hikaw ko, ’yung cape ko, pati ’yung ipit ko sa buhok, lahat sila, may special powers. Basta may nangyayaring masama, asahan n’yong nandu’n si Captain Barbie para tumulong,” patuloy ni Barbie.

Samantala, makakasama niya sa Captain Barbie ang kapwa-Kapuso talents na sina Jeric Gonzales at Anjo Damiles.

Gagampanan ni Jeric ang papel ni Bruce, isang duwag na pulis habang si Anjo naman ay si Andrew, ang best friend ni Bruce na lagi siyang pinu-push para maging mas matapang.

Ang Captain Barbie ay magsisimulang mapanood sa Daig Kayo ng Lola sa Linggo, August 15, pagkatapos ng 24 Oras.

AUTHOR PROFILE