Annette

Barbie ipapareha sa Kapamilya actor sa kauna-unahang Star Cinema-GMA Pictures film collab

October 14, 2023 Ian F. Fariñas 444 views

AT home ang feeling ni Annette Gozon-Valdes, GMA exec at anak ng GMA big boss na si Atty. Felipe Gozon, sa muling pagtapak sa ABS-CBN compound nu’ng Biyernes ng gabi para sa finale mediacon ng seryeng Unbreak My Heart.

Ang UMH, unang joint project ng ABS at GMA, ay pinagbibidahan nina Jodi Santamaria, Richard Yap, Joshua Garcia at Gabbi Garcia.

Kasama ang lady bosses ng Sparkle na sina Tracy Garcia at Joy Marcelo, bale ikatlong pagbisita na ‘yon ni Annette sa Kapamilya compound.

Ang una raw ay noong magpirmahan sila ng kontrata ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment para sa UMH at ang ikalawa naman ay nu’ng magbigay-suporta sila nina Cory Vidanes sa ngayo’y suspendidong noontime show na It’s Showtime.

Kwento ni Annette, “Ang gaan kasing katrabaho ng ABS. And parang with this project (UMH), it’s not just the business that was developed pero also a friendship. So, kaya parang at home na rin ako dito.”

Sa nalalapit na pagtatapos ng UMH, umaasa siya na magkakaroon pa sila ng susunod na collaboration ng Kapamilya network.

“Wala pang cast in stone but we’re hoping na meron pang collaboration. Sana next year, sana may movie, ‘di ba, pati movies makagawa na. So, nag-start na rin kaming mag-usap, so let’s see,” aniya.

Dagdag ni Annette, “Actually, may contract na kami matagal na with Star Cinema pero ‘yun nga, since pandemic pa nu’ng nangyari ‘yon, wala pang masyadong magawang movie pero du’n sa ABS-CBN Ball, nakausap ko uli sina Kris Gasmen, pati sina Carlo Katigbak and Cory Vidanes so sabi nila, gawa na tayong movie. Gusto na rin nila, eh, so siguro matutuloy na next year. First co-production na movie ng Star Cinema and GMA Pictures.”

Sa ngayon, wala pang final cast para sa proyekto pero naiisip umano nilang ipareha si Barbie Forteza sa isang ABS-CBN talent.

Pagdating naman sa temporary replacement ng It’s Showtime na It’s Your Lucky Day, bukod sa pagpa-plug nito sa GTV, eh, may Sparkle artist ding papasok bilang mainstay ng show na pinangungunahan ni Luis Manzano, ayon pa kay Annette.

AUTHOR PROFILE