Barangayanihan ni Guillor tinugon ng FICWSI!

June 3, 2021 Marlon Purification 400 views

Marlon PurificationSIMULA pa lamang ng pandemya nitong nakalipas na taon ay palagian na nating naririnig ang salitang ‘bayanihan’ na alam nating isa sa magagandang kaugalian ng mga Pilipino.

Tunay naman kasi na ang pagkakaisa ang kailangan nating gawin upang sabay-sabay nating malagpasan ang krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

Kaya naman muli nating maipagmamalaki ang walang puknat na ibinibigay na tulong ng Filipino Indian Commerce & Welfare Society Inc. (FICWSI) sa pamamagitan ng kanilang founding president na si Manjinder “James” Kumar at ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng hepe nitong si General Guillermo Eleazar.

Isa si Kumar sa agarang sumuporta sa flagship program ni Guillor na ‘BARANGAYanihan Help & Food Bank’ na inilunsad nitong May 14, 2021.

Ang BARANGAYanihan ay programang naglalayong maabot ang lahat ng nangangailangan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng tulong sa iba’t ibang komunidad.

Batid o ramdam nating lahat na ngayong pandemya, lalo pang lumala ang pagkagutom ng mga ating kababayan na nawalan ng trabaho at pagkakakitaan.

Sa ilalim ng programa, hindi lamang simpleng pagkakaloob ng pagkain ang ginagawa ng PNP.

Tinitiyak din ng program ang tuloy-tuloy na suplay ng pagkain sa pamamagitan ng pagkakaloob ng water supply system sa mga farming community.

Sa bahagi ni Kumar, pinangunahan din niya ang Rotary Club of Makati Nielsen bilang perfect vision president, sa pangangalap ng mga donasyon na ipinagkaloob sa programa.

Kasama sa mga nakolekta ang 300 sako ng bigas, 100 kahon ng sardines, 2000 kahon ng multivitamins, at 2000 kahon ng vitamin C na ipinagkaloob agad kay Eleazar.

“Itong BARANGAYanihan Help & Food Bank effort, ipinapakita ang tunay na damdamin ng Pilipino, ang pagtulong sa bawat isa,” paliwanag ni Eleazar.

Personal namang pinasalamatan ni Eleazar ang grupo ni Kumar na hindi lamang unang nagbigay tulong sa BARANGAYanihan kundi noon pa man ay batid na ng heneral ang walang sawang ibinibigay na tulong ng FICWSI hindi lamang sa pambansang pulisya, kundi sa mga mahihirap nating kababayan.

Ani Guillor, kahanga-hanga ang mga grupong katulad nina James na hindi nag-aantay ng kapalit at sa halip ay kuntento na silang nakatutulong sa kapwa na siyang tunay na diwa ng salitang malasakit.

Sa bawat pagtulong, pinatutunayan ni Kumar na nararapat lamang niyang tanggapin ang award na Philanthropist of the Year noong 2020 ng Asia Leaders Awards.

Habang nagpapatuloy ang laban natin sa COVID-19 pandemic, nananalangin pa rin tayo na dumami pa ang katulad ni Kumar at maging ni Guillor na walang sawa sa pag-iisip ng mga paraan kung paano makatulong.