Bantayan ang pagpasok ng mga kontrabando
MAHIGIT apat na buwan na lang ay matatapos na ang taong 2024 na isang leap year.
Sa totoo lang, abot-tainga na ang ngiti ng mga taga-Bureau of Customs (BOC) na pinamumunuan ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio.
Kasi nga naman ay nagdaratingan na sa Pilipinas, ang may pinakamahabang Holiday Season sa mundo, ang mga Christmas items.
Kumpara sa ibang buwan, ang Agosto, Setyembre, Oktubre, Nobyembre at Disyembre ay dagsa ang shipment na naglalaman ng Christmas items.
Mahilig talaga ang mga Pinoy na namimigay ng mga imported items bilang pamasko sa mga kamag-anak, kaibigan at ibang kakilala.
Alam ito ng mga negosyante kaya kung anu-anong gift items ang ini-import para ipagbili sa merkado sa panahon ng kapaskuhan.
Nandiyan pa ang mga balikbayan boxes na naglalaman ng mga regalo ng ating mga OFWs sa kani-kanilang mga mahal sa buhay.
Magsisimula nga ang Christmas Season sa bansa sa September, ang una sa apat na “BER” months ng taon.
Ang kailangan lang ay bantayan ng mga otoridad ang pagpasok ng mga kontrabando sa pamamagitan ng outright smuggling.
At dapat madalas na inspeksyunin ang mga bodega sa iba’t ibang parte ng bansa, kasama na ang Metro Manila.
Hindi puwedeng nakatiwangwang lang diyan ang mga kontrabando na dala-dala ng mga malalaking barko sa bansa.
Ang mga barkong ito na nasa labas ng teritoryo ng Pilipinas ay punong-puno ng mga puslit na produkto.
Ikinakarga sa mga maliliit na saksakyang dagat ang mga kontrabando na dala-dala ng mga malaking barko.
Mahirap na kasing lumusot sa mga ports of entry ang mga kontrabando, alam na ng mga taga-BOC ang modus operandi ng mgs ismagler.
Mabubuko ng mga eagle-eyed customs personnel ang mga ipinapalamang kontrabando sa mga shipment.
***
Papalapit na ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa darating nasyonal at lokal na eleksyon sa Mayo 2025.
Ayon sa calendar of activities ng Commission on Elections (Comelec), ang filing ng COCs ay mula Oktubre 1 hanggang 8.
Pagkatapos ng Oktubre 8 ay hindi na puwedeng magpalit ng kandidato. Papayagan lang ito kung mamatay o i-disquailfy ng Comelec ang isang kandidato.
Noong mga nakaraang eleksyon ay maraming nagpa-file ng COC pero umaatras para pumalit ang talagang kandidato.
Ginagawa ito para hindi maagang gumastos ang mga tusong kandidato dahil ang tingin ng mga botante ay gatasan ang mga politiko.
Ngayon, hindi na uubra ang gimik ng mga politikong ito.
***
Dapat tularan ng iba nating atleta ang training preparations ni Olympic double gold medalist Carlos Yulo.
Epektibo ang training program ni gymnast Yulo.
Pati trainer at coach ni Yulo, ay dapat kuning consultants ng gobyerno.
Paano nila inihanda si Yulo para sa 2024 Paris Olympics?
Hindi bara-bara ang ginawa nilang paghahanda para lang maging world-class na gymnast itong si Yulo.
Hindi ba, Pangulong Bongbong Marcos?
(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)