Default Thumbnail

Bangkay ng obrero, lumutang sa ilog

August 8, 2022 Edd Reyes 255 views

LUMUTANG ang bangkay ng 25-anyos na obrero sa malalim na bahagi ng Navotas River matapos maiulat na nawawala, Linggo ng umaga sa Navotas City.

Dakong alas-10:45 ng umaga nang mamataan ng testigong si Angelo Condor, 34, ang lumulutang na bangkay ng biktima na nakilalang si Daniel Patumbon, alyas “Kulit”, pedicab driver at residente ng F. Pascual St., Bgy. Daang-hari.

Sa pahayag ng testigo kay P/SSgt. Reysie Peñaranda ng Navotas Police Homicide Section, nasa loob siya ng banyo ng kanilang tirahan sa Bgy. San Jose nang makita niya ang lumulutang na bangkay ng lalaki sa ilog kaya’t kaagad niya itong ipinabatid sa mga opisyal ng kanilang barangay.

Sa tulong ng mga nagrespondeng tauhan ng Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) nai-ahon ang bangkay pasado ala-1 ng hapon at dito nakita ng pulisya ang bahid ng dugo sa kaliwang bahagi ng ulo at tainga ng biktima.

Dahil dito’y hiniling ng kapulisan ang pagsasailalim sa autopsy examination ng bangkay upang alamin ang sanhi ng pagkamatay at kung biktima siya ng karahasan o tumama lamang ang ulo sa matigas na bagay habang lumulutang sa Navotas River.

AUTHOR PROFILE