Bangkay ng media personality natagpuang naaagnas
NATAGPUAN ang naaagnas na bangkay ng isa umanong media personality sa inuupahang apartment sa Brgy. Damayan, Quezon City noong Huwebes.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-4:40 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ni Melecio Valmoria Endencia Jr., 64.
Sa imbestigasyon ni PSSg Angel T Pascasio III, bandang alas-10:00 ng umaga noong Huwebes nakaamoy umano ang kapitbahay ng biktima na si Francis ng masangsang na amoy mula sa silid ng biktima.
Nang lumapit si Francis sa silid, napansin niya ang mga uod na lumalabas mula sa pintuan kaya agad niyang inireport sa mga opisyal ng Brgy. Damayan.
Kasama ang mga nangangasiwa sa apartment, puwersahang binuksan ng mga tanod ang pintuan ng silid at doon bumungad sa kanila ang naaagnas nang katawan ng biktima sa sahig.
Dumating ang SOCO team mula sa QCPD sa pangunguna ni P/Lt. Roy Berangel at sa cursory examination, napag-alaman na nasa advance stage of decomposition na ang bangkay.
Inaalam pa ng pulisya ang sanhi ng pagkamatay ng nasabing media personality.