Default Thumbnail

Bangkay ng babae iniluwa ng basura sa ilog

September 22, 2022 Edd Reyes 212 views

KALUNOS-LUNOS ang sinapit na kamatayan ng hindi pa nakikilalang babae na iginapos ang kamay at paa, nakabalot ng masking tape ang mukha, at isinilid sa sako bago itinapon ang bangkay sa ilog sa Malabon City.

Nadiskubre ng 73-anyos na si Alfredo Broa ang lumulutang na bangkay ng babae na nakasuot ng itim na t-shirt, kayumangging short pants at may tattoo sa kanyang kanang hita at kaliwang braso dakong alas-8 ng umaga ng Miyerkules sa gilid ng Tullahan River sa Northern Hills Property Compound, Industrial Road, Barangay Potrero.

Sa ulat na tinanggap ni Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot, nangangalap ng mga kalakal sa gilid ng ilog si Broa nang makatawag ng pansin sa kanya ang malaking sako sa bunton ng mga basura.

Sa pag-aakalang may mapapakinabangan sa loob ng sako, bahagya niyang binuksan ang dulo nito at nagulat na lamang nang tumambad ang bangkay ng biktima kaya’t kaagad na ipinaalam niya ito sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1.

Sa ginawa namang pagtatanong ng mga tao sa paligid nina P/SSgt. Michael Oben at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued, imbestigador ng Malabon Police na may hawak ng kaso, walang isa man sa lugar ang nakakakilala sa biktima kaya’t may hinala sila na itinapon lamang sa ilog ang bangkay at dinala ito ng alon sa bunton ng mga basura.

Inilagak muna ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang bangkay ng hindi pa kilalang babae sa isang punerarya upang doon isagawa ang pag-awtopsiya para malaman ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

AUTHOR PROFILE