Default Thumbnail

Bangkay nakasilid sa sako lumutang sa Manila Bay

August 2, 2022 Jonjon Reyes 247 views

ISANG bangkay ng lalaki na nakasilid sa sako na may masangsang na amoy ang nakitang palutang-lutang sa Manila Bay, sakop ng Port San Lazaro Harbour Center sa Vitas, Tondo, iniulat ng pulisya.

Batay sa ulat na isinumiti ni Det. Jero Santos kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, bandang 7:12 ng umaga nang makita ni Benjie Flor, isang crane operator sa lugar ang isang sako na palutang-lutang sa dagat at tila nakausli ang paa nito sa sako.

Agad na ipinagbigay alam ang lumutang na sako sa San Lazaro Port Team, kaya iniahon nila ang bangkay saka tumawag sa tanggapan ng MPD Station 1 na nakakasakop sa lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon, ang hindi pa nakikilalang lalaking biktima sa sako ay nakabalot ng duct tape ang ulo na tinatayang nasa edad 40 hanggang 50 anyos, may taas na 5’7 hanggang 5’8, nakasuot ng kulay itim na t-shirt at itim rin na shortpants na may tatak na “Adidas”.

Sa utos na rin ni P/Lt. Col. Gene Licud , commander ng MPD Station 1, ikinordon ang lugar at inireport ito sa MPD headquarters, upang isailalim sa masusing imbestigasyon at matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.

Nakalagak ang naturang bangkay sa Cruz Funeral Morgue para isailalim sa awtopsiya.

AUTHOR PROFILE