Crime

Bangkay na nakasako nahalukay sa basura

December 5, 2023 Edd Reyes 179 views

IMBES na basurang pwedeng pagkakitaan dahil may pera daw sa basura, bangkay ng lalaki na nasa sako ang nabungkal ng scavenger sa bunton ng mga basura noong Lunes sa Caloocan City.

Sa report kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, sinabi ni Police Sub-Station 13 Commander Joniber Blaco na nadiskubre ang bangkay sa sako dakong alas-3:15 ng hapon sa Golden Valley, Phase 8A, Package 14, Brgy. 176 Bagong Silang ng basurero na agad nag-report barangay.

Nakabalot ng plastic ang ulo ng biktima na tinatayang nasa 5’4 ang taas, 30-35-taong gulang, naka-itim na t-shirt at violet na short at may tattoo na “Kuya” at “Eric” at may logo ng “Sputnik” sa kanang hita.

Wala isa man ang nakakakilala sa biktima sa paligid ng basurahan at ipinalalagay ng mga pulis na itinapon lang ang bangkay sa naturang lugar.

Sinabi ni Capt. Blaco na batay sa pagsusuri ng mga tauhan ng Northern Police District Forensic Unit (NPDFU) na pinangunahan ni P/SSg Emilio Orpilla, may posibilidad na sinakal ang biktima dahil sa bakas na naiwan sa kanyang leeg.

Iniutos na ni Col. Lacuesta kina P/SSg Jenny Ryan Rodriguez at P/Cpl. Bayani Auditor, Jr., may hawak ng kaso, ang pagsusuri sa mga nakakabit na CCTV sa lugar para matukoy kung sino ang nagtapon ng bangkay.

Hindi iyon ang unang pagkakataon na may nagtapon ng bangkay sa Golden Valley Phase 8A, ayon sa mga saksi.

AUTHOR PROFILE