Bangka lumubog, 4 divers nailigtas sa Ilocos Sur

December 8, 2022 Zaida I. Delos Reyes 86 views

APAT na divers ang maswerteng nakaligtas matapos na lumubog ang sinasakyang bangka nitong Miyerkules ng gabi sa Sta Catalina, Ilocos Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Jaime Cervantes, Jomel Tomahin, Richie Aludo, at Ernesto Balono.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap malapit sa seawall ng Bgy. Sta Catalina.

Patungon umano ang mga biktima sa Sta. Ana, Cagayan nang hampasin ng malalaking alon ang bangkang sinasakyan ng mga ito.

Dahil sa laki at lakas ng alon ay nawasak ang bangka at lumubog.

Ayon sa ulat, ginamit ng mga divers ang mga galon bilang floater hanggang sa makalapit ang mga ito sa seawall kung saan tinulungan sila ng mga residente.

Sa kasalukuyan, maayos na ang lagay ng mga biktima.