Paul Gutierez

Bangayang Binay-Cayetano, again?

June 18, 2024 Paul M. Gutierrez 202 views

TILA hindi na matatapos ang ‘banggaan’ at ‘bangayan’ ng mga Binay at Cayetano, na nag-ugat sa pagkakalipat ng 10 “embo” barangays sa Taguig na dating sakop ng Makati.

Matindi ang naging palitan ng maaanghang na salita mula sa magkabilang kampo — na sa totoo lang ay mga residente ang apektado, partikular sa mga naantalang paghahatid ng pangunahing serbisyo tulad ng edukasyon, tulong medikal, at iba pa.

Mistulang may namumuo na naman tensyon sa pagitan ng dalawang pamilya — sa pagkakataong ito ay sa pagitan nina Senador Nancy Binay at Alan Peter Cayetano.

Ang ‘word war’ ng dalawang senador ay may kinalaman sa itinatayong New Senate Building sa Fort Bonifacio, lungsod ng Taguig, na kamakailan din ay iniutos naman ni bagong Senate President Chiz Escudero ang pagpapahinto ng construction, at ipinag-utos na magsagawa ng masusing pagre-review sa proyekto.

Medyo nagulantang daw si SP sa laki ng budget na gagastusin ng gobyerno para matapos ang gusaling ito na tumataginting na P23-bilyon. Hmm. Kasama kaya sa gustong malaman ni SP Chiz ay kung… may “nagkaroon” sa proyektong ito, ano sa tingin ninyo, mga kabayan, hehehe!

Nalaman daw ni SP Chiz ang ‘nakakalulang’ halaga ng pagtatayo ng gusali mula kay Senador Alan, na siya ngayong chairman ng Senate Committee on Accounts, na dating pinamumunuan ni Senador Nancy. Nagbitiw sa puwesto si Sen. Nancy matapos ang palitan ng liderato ng Senado nitong Mayo 20, kung saan tinanggal bilang SP si Sen. Migz Zubiri.

Oops! Sariwa pa rin sa lahat ang ‘tragi-comedy’ na nagyari noong Mayo 20, kung saan “umatungal” pa nga si Sen. Bato dela Rosa sa pagkakatanggal ni Sen. Migz, pero, kasama naman pala siya sa pumirma sa pagsibak kay Sen. Migz, aguy! Sabi nga sa kanta, “pasumpa-sumpa ka pa…” Kayo na ang magtuloy, dear readers, hahaha!

Hindi na natin hihimayin ang mga detalye, basta ayon sa mga kwento, sinabi daw ni Sen. Cayetano kay SP Chiz na halos triple ang nadagdag sa budget mula sa orihinal na P8.9 bilyon ay naging P23-bilyon.

Umangal naman, siyempre, si Sen. Nancy sa pagsasabing “saan” daw nanggaling ang sinasabing P23-bilyon? Dangan kasi, ‘by insinuation,’ may nangyaring “tongpats” sa presyo, eh, kung ganito nga, nasaan ‘yun, tanong mo ba, COA chair, Gamaliel Asis Cordoba?

Ayon kay Sen. Alan, wala daw halong pulitika ang pagsisiwalat niya at lahat daw ay suportado ng mga dokumento. Hindi daw iyon bulong-bulong o haka-haka lamang kundi mga official reports—di umano.

Ang “nakakatuwa” pa, ang kontrata pala ay nai-award sa Hilmarc’s Construction, ang kumpanya din na gumawa ng kontrobersyal na Makati City Hall Building noong 2014. Hmm. Hilmarc—na naman– ahahay!

Kung babalikan, mga kabayan, isa si Sen. Alan sa mga nanguna sa mga isinagawang imbestigasyon sa Senado hinggil sa mga infrastructure projects sa Makati noong panahon ni PNoy, kabilang nga ang overpriced na Makati building na ang kontraktor ay itong Hilmarc. Ano ito, ‘déjà vu,’ ganern?

Kung babalikan pa rin, isinagawa ang imbestigasyon upang “ikanal” ang presidential ambition ni VP Jejomar Binay, ang ama ni Sen. Nancy, pabor sa sariling ambisyon ni Mar Roxas (na umuwi rin namang “luhaan,” hehehe).

Resbak pa ni Sen. Nancy: “Kung sana ay nakapag-usap kami ni SP (Senate President Chiz), mas malinaw at ‘factual info’ ang maibibigay ko, kaysa umasa siya sa mga ‘Marites’ (Sen. Alan) at mga bubuyog (Sen. Alan pa rin, siyempre) na bumubulong-bulong.”

Sinabi pa ng senadora na posibleng gumastos na naman ang Senado ng P400-milyon sa renta sa GSIS building sakaling hindi matapos sa target date ang bagong Senate building na Enero 2025.

Kung anuman ang kahantungan ng panibagong ‘iringan’ na ito, sana ay lumabas ang katotohanan at huwag sanang maapektuhan ang kani-kanilang trabaho, dahil kapag nagkataon, taumbayan ang talo.

Wala sanang personal na motibo ang panibangong ‘bangayan’ na ito dahil galing sa buwis ni ‘Juan dela Cruz’ ang bilyones na ginagastos sa gusaling ito. Isantabi muna kung anuman ang personal na alitan at personal na motibo.

Abangan natin ang susunod na kabanata.

AUTHOR PROFILE