Balikang JoshLia tumabo ng P20.5M sa takilya
KINAGAT ng Pinoy moviegoers ang ‘balikan’ nina Joshua Garcia at Julia Barretto sa takilya. Nakapagtala ang pelikula nilang “Un/Happy for You” ng P20.5 milyon sa unang araw sa mga sinehan sa buong bansa.
To date, ito ang pinakamalaking opening gross ng isang local movie ngayong 2024.
Agad ding naging trending topic sa X (dating Twitter) ang premiere night nito at nagbahagi rin ang ibang netizens ng kanilang positibong feedback tungkol sa pelikula online.
Sa premiere night noong Agosto 13, nagpasalamat sina Joshua at Julia sa kanilang mga tagahanga, pamilya, kaibigan, at mga tao sa likod ng “Un/Happy For You.”
“Gusto ko lang magpasalamat sa lahat — sa fans, sa family namin na ‘andito, sa friends namin, sa bosses thank you, sa Star Cinema salamat sa pagtitiwala sa amin ni Julia. Sa Viva Films, of course, at sa buong team ng ‘Un/happy For You’,” ani Joshua bago magsimula ang film screening.
Samantala, ‘overwhelmed’ naman si Julia sa pagmamahal at suporta ng kanilang loyal fans.
“Sobrang nakaka-overwhelm ‘yung suporta na pinapakita niyo. Sobrang nagpapasalamat kami sa lahat ng efforts niyo. Sana po magustuhan niyo siya (Un/Happy For You),” sabi ni Julia.
Sa direksyon ni Petersen Vargas, tampok din sa pelikula sina Nonie Buencamino, Ketchup Eusebio, John Lapus, Kaila Estrada, Aljon Mendoza, Ana Abad Santos, Victor Silayan, Bong Gonzales, Meann Espinosa at Bianca De Vera.