Bong Go

‘Balik Probinsya’ program, ipagpatuloy–Bong Go

June 3, 2022 People's Journal 187 views

HINIMOK ni Senator Christopher “Bong” Go ang papasok na administrasyon na ipagpatuloy ang pagsisikap ng gobyerno na mapabilis ang pag-unlad ng mga rehiyon sa pamamagitan ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) program.

Sina ni Go na ang BP2 program ang magbibigay ng pag-asa sa mas maraming Pilipino para sa magandang kinabukasan pagkatapos ng COVID-19 pandemic.

“Hinihikayat po natin ang bagong administrasyon na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng BP2 program na layong mabigyan ng bagong pag-asa ang ating mga kababayan kung piliin nilang bumalik sa probinsya at manirahan doon,” ani Go.

“Hindi lang po maipagpatuloy, kundi mas mapaganda pa sa susunod na termino. Pareho naman po tayo ng adhikain — ang masigurong maramdaman ng bawat Pilipino ang komportableng buhay kahit saan mang sulok ng bansa,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Go na sa pamamagitan ng inisyatiba, mas masusuportahan ng gobyerno ang pag-unlad sa kanayunan at lumikha ng mas malaking posibilidad sa ekonomiya para sa mga Pilipino sa lahat ng bahagi ng bansa gaya ng pinagtibay ng Commission on Population and Development (POPCOM).

Hinimok din ni Dr. Juan Antonio Perez III, pinuno ng POPCOM, ang papasok na administrasyong Marcos na suriin ang pagpapatuloy ng programang BP2 sa pagsasabing ito ay magsusulong ng inclusive economic development sa buong bansa.

“So, part of the effort, itong tinatawag nating strategy to really spread out the population, will be to equalize opportunities nationwide,” ani Perez.

“At isa na rito ang disparity ng kita kung saan mataas ang kita sa National Capital Region (at) CALABARZON at mababa ang kita sa napakaraming ibang rehiyon. So nagpupuntahan ang mga tao roon sa mga lugar kung saan mas malaki ang income,” aniya.

Hiniling din ng POPCOM chief sa susunod na administrasyon na isulong ang mga patakarang maghihikayat sa mga tao na manatili sa kanilang kinalalagyan at limitahan ang pandarayuhan mula sa kanayunan patungo sa kalunsuran.

“Sana ay talagang pag-aralan iyong Balik Probinsya Program sa susunod na administrasyon at isama na ang population dynamics na binabanggit ko at bahagi tayo ng isa sa mga komite doon, sinusuportahan natin ang mga strategic activities doon,” sabi ni Perez.

Nauna rito, malugod na tinanggap ni Go, isa sa proponent ng BP2 program, ang suporta mula sa pribadong sektor habang ang iba’t ibang grupo ay nagpahayag ng layunin na lumahok at mag-ambag sa pagtulak ng pamahalaan para sa pinabilis na pag-unlad ng rehiyon. Hinikayat ng senador ang mas maraming negosyo na sumunod at mamuhunan sa mga lugar sa labas ng mga urban center sa bansa.

Noong Mayo 2020, nilagdaan ni Duterte ang Executive Order No. 114 na naglalagay sa programa bilang “pillar of balanced regional development”. Inaatasan nito ang mga kinauukulang ahensya na ihanda at ipatupad ang BP2 Program.

“Ngayon, meron Executive Order 114 na nag-institutionalize nito. Meron ding inter-agency council na mangangasiwa at magpapatupad nito. Whole-of-government na ang approach ngayon,” paliwanag ni Go.

Ang EO ay ginawa matapos isulat ni Go ang Senate Resolution No. 380 na pinagtibay ng Senado sa plenaryo session nito noong Mayo 4, na humihimok sa Executive Department na bumalangkas at ipatupad ang BP2 program.

AUTHOR PROFILE