Default Thumbnail

Balik-papel ang driver’s license cards

April 21, 2023 Allan L. Encarnacion 413 views

Allan EncarnacionNAGMULA tayo sa Republikang Walang Plaka matapos magkaproblema sa procurement process ng mga plate numbers noong panahon ng Aquino administration. Noong mga panahong din na iyon, inabot din ng indulto ang ating mga driver’s license dahil nagkaubos-ubos din ang supply.

Natandaan nyo siguro na maraming mga sasakyan ang gumawa ng mga improvised plate number na sinulatan ng kung anu-anong kataga.

Kasama na nga doon ang RWP o Republikang Walang Plaka.

Ang lahat ng ito ay nangyari matapos maglabas ng DOTC noon ng department order na nagtatakda na central office o national office na ang magsasagawa ng procurement process kapag ang proyekto ay mas mataas sa P50 milyon.

Naulit na naman ngayon, Special Order naman ang inilabas ni DOTr Secretary Jaime Bautista noong January 25, 2023 na nag-uutos sa lahat ng attached agencies na huwag magsagawa ng procurement process kung P50 million pataas ang kanilang bibilhin.

Nitong nakaraang Huwebes, nagpatawag ng biglaang press conference sina LTO Chief, Asec Jay Art Tugade at Executive Director Giovannie Lopez para abisuhan ang publiko na paubos na ang driver’s license card na kanilang iniisyu sa mga magre-renew ng lisensiya.

Ayon kay Tugade, nang mag-assume siya bilang LTO Chief noong Nobyembre 16, 2023 or around that date, nagpa-imbentaryo na siya para malaman kung ilan pa ang natitirang mga lisensiya. Kaya nga nalaman nila na kailangan nang magsimula ng procurement process dahil nga noong mga panahong iyon ay mababa na ang bilang ng kanilang cards supply.

On target naman sana ang LTO sabi ni Executive Director Lopez kaya nga noon pa mang December ay nagsimula na sila ng mga documentation at inilalatag na ang proseso para sa procurement. Pero dahil nga dumating ang Special Order ng DOTr, natigil ang lahat ng kanilang ginagawa para sa pagpapa-bid ng lisensiya ng ating mga tsuper.

Binabanggit ni Tugade na mag-iisyu muna sila ng temporary driver license documents na may QR code na siyang magagamit ng mga driver para makapagmameho habang wala pang physical driver’s license cards.

Ang tanong, kung inako ng DOTr ang pagpapa-bid, pagbili at pagproseso ng pagkakaroon ng mga bagong supply ng driver’s license, bakit umabot tayo ngayon sa puntong wala na naman ang physical cards? Mula March 21, 2023 nang magpulong ang LTO at ang DOTr para sa procurement process, nangako ang DOTr na kaya nilang gawin ang proseso sa loob ng 28 days.

Kung natupad ng DOTr ang kanilang pangako, nitong nakaraang April 18, dapat mayroon na tayong mga panibagong supply ng driver’s license. Dahil nga kailangan nang maging transparent ng LTO sa publiko para hindi mabulaga ang mga aplikante, nagpatawag na sila ng pulong-balitaan upang ilahad ang tunay na sitwasyon.

Ang problema ngayon, hindi pa nakapagsisimula ang DOTr ng kanilang procurement process, kaya marami ang nangangambang abutin na namin natin ang Republikang Walang Lisensiya hanggang sa buong taon.

Nanawagan tayo sa DOTr na ibalik na sa mga kanya-kanyang ahensiya ang trabaho ng procurement dahil wala naman silang expertise sa trabaho ng mga attached agencies.

LTO pa pa lang yang nagpapa-presscon, iisipin natin kung gaano karaming attached agencies ang nasa ilalim ng DOTr na hindi nagkaroon ng problema sa procurement process sa nakaraang anim na taon na biglang magpa-presscon na rin sa mga susunod na araw dahil sa nabitin ang kanilang mga supplies.

[email protected]