inton

Balanseng dagdag-pasahe makakabuti

June 15, 2022 Jun I. Legaspi 128 views

KADALASAN ay hindi “magandang balita” para sa mga mananakay ang dagdag-pasahe dahil maituturing din na “dagdag gastos” sa kanila ito.

Ayon kay Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) Atty. Ariel Inton, iba na ang “sitwasyon” ngayon lalo na at mahigit P80 kada litro and presyo ng diesel at iba pang produktong petrolyo.

Sa kanyang pahayag, “Umaaray na ang transport sector. Wala nang kinikita mga drivers kaya nagbabago na lamang ng hanapbuhay. Ang mga operators naman ay nalulugi dahil sa taas ng presyo ng diesel. Dahil sa mataas na presyo ng diesel at gasoline, malaki ang nababawas na pumapasada. Karaniwan ay 30% na lang ng fleet capacity ng operator ang bumabiyahe. Pero wala namang kinikita. Kaya lugi.”

Kamakailan ay pinayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itaas sa P1 ang pamasahe sa jeep.

Sa ngayon, P10 na ang pamasahe sa mga jeepney. “Pero sa totoo lang, kahit noong nine pesos pa, karaniwan sa mga pasahero ay ‘tinitip’ na lang ang pisong sukli kay mamang driver. Ngayon ang mga provincial at city buses naman ang nagsampa na rin ng fare increase,” ani Inton.

“Kailangan na i-balanse na natin ang pangangailangan ng mga pasahero at hanapbuhay ng mga drivers at operators. Kung malulugi ang public transport at hindi papasada ay walang masasakyan ang kawawang mga pasahero. Lalo na ngayon na inaasahan na mas dadami ang pasahero dahil ang mga car owners ay nabibigatan na sa presyo ng gasolina. Dagdag pa ang gastos sa parking o toll fee, aba’y kulang pa sa pang-araw-araw na suweldo ang gastos nila,” paliwanag pa niya.

Suhestiyon ni Atty. Inton, “kaya naman kung itataas bahagya ang pasahe upang maisalba ang public transport mas marami ang masasakyan. Ang mga private car owners ay maaaring lumipat dahil magiging mas ‘maginhawa’ ang pagsakay sa mga pampublikong sasakyan. Mas maikli ang waiting period, makakatipid din ang mga car owners. Resulta, mas kaunti ang sasakyan sa lansangan at mababawasan ang traffic.”

Ayon pa sa represante ng LCSP, “hindi mangyayari ito kung hindi makakaahon ang public transport. Hindi rin puwede na sobrang taas ang hihilingin nilang dagdag-pasahe dahil mahihirapan ang mga pasahero at hindi na nila kakayanin ang pasahe.”

Ito ang “mabigat na hamon” sa LTFRB ayon kay Inton, na siyang magpapasya sa hiling na pagtaas ng pasahe.

Ayon pa sa pahayag ng LCSP, “mahalaga ay risonable ang dagdag-pasahe at ito ay magdudulot ng mas maraming masasakyan upang ang mga private car owners ay ma-enganyong tangkilikin ang public transport” at mangyayari rin daw ito “kung maalwan ang pagsakay at malaki ang maititipid nila.”

AUTHOR PROFILE