Bakuna di kondisyon para sa mga OFW patungong Singapore
HINDI kinakailangang magpabakuna kontra COVID-19 ang mga overseas Filipino worker na tutungo sa Singapore, ulat ng labor department.
Sa pahayag ni Saul De Vries, labor attaché sa Singapore, bagama’t mahigpit na ipinatutupad ng pamahalaang Singapore ang quarantine protocol dahil sa muling pagdami ng mga kaso ng COVID-19, ang bakuna ay hindi bahagi ng protocol para sa mga dumarating sa nasabing bansa.
“Hindi ito kondisyon para sa mga OFW na dapat ay nabakunahan muna bago sila umalis para sa kanilang trabaho. Gayunpaman, hinihiling ng pamahalaan ng Singapore na sumailalim sila sa 21-araw na institutional quarantine at sumailalim sa RT-PCR test ng tatlong beses,” wika ni De Vries.
Kasunod ng pag-ulit ng mga kaso, sinabi ni De Vries na pansamantalang sinususpinde ng pamahalaang Singapore ang pag-apruba sa aplikasyon ng mga dayuhang manggagawa mula sa mga bansang may mataas na kaso ng COVID.
“Inaasahan namin na muling pag-aaralan ang nasabing regulasyon o polisiya ngayong darating na Hunyo kung saan bumababa na ang kaso ng COVID-19,” dagdag niya.
Batay sa record ng Labor Department, may 200,000 Filipino sa Singapore, at 180,000 dito ay binubuo ng professionals, skilled workers, household service workers, healthcare workers, at iyong nagtatrabaho sa service sector sa industriya ng turismo at information technology.
Iniulat din ni De Vries na inaprobahan kamakailan ng POLO-Singapore ang mahigit 200 job order para sa mga vaccinator na may buwanang sahod, mula 1,800 hanggang 2,000 SGD o may katumbas na hindi bababa sa P63,000.
“Bukod sa 200 vaccinator, mataas pa rin ang demand para sa household service worker sa Singapore,” dagdag niya.
Bamaga’t hindi sapilitan para sa mga OFW na magpabakuna bago pumasok ng Singapore, sinabi ni De Vries na kabilang ang mga migranteng manggagawa sa vaccination program ng pamahalaan. Kaya hinihikayat ang mga OFW na magpabakuna dahil ito ang pinakamainam na paraan para mapigilan ang pagkalat ng virus.
“Naniniwala ako na nabakunahan na ang karamihan ng ating OFW sa healthcare industry, dahil kabilang sila sa priority group listing,” pahayag pa ni De Vries.
Sinabi ng opisyal ng POLO na naapektuhan ang operasyon ng POLO noong 2020 dahil sa pandemya. May 6,000 hanggang 10,000 OFW ang nawalan ng trabaho, samantalang bumaba ang deployment rate ng 80 porsiyento o mula 140,000 naging 30,000 ng nakaraang taon
Ngunit hindi ito naging balakid para sa POLO Singapore na ibigay ang mga kinakailangang serbisyo para sa mga OFW. Pinangasiwaan ng POLO ang pamamahagi ng tulong-pinansiyal na $200 o P10,000 sa ilalim ng programa ng DOLE na Abot-Kamay ang Pagtulong (AKAP) para sa mga OFW na nawalan ng trabaho o nabawasan ang kanilang sahod, gayundin ang mga nagkasakit ng Covid-19.
Namahagi sila ng food pack at hygiene kit at nagsagawa ng aktibidad para sa physical, mental health at wellness para sa mga migranteng Filipinong manggagawa upang tulungan silang makaagapay sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay habang ipinatutupad ang community quarantine.
“Dahil marami sa kanila ang nawalan ng trabaho o na-stranded dahil sa pandemya, tinulungan namin silang mabigyan ng special passes sa pakikipagtulungan ng immigration authority para hanggat’ maaari ay maging legal ang kanilang pananatili,” wika ni De Vries.