Tugade

‘Baklas-plaka’, ipinagbabawal – Tugade

May 19, 2023 Jun I. Legaspi 334 views

IPINAALALA ni Land Transportation Office (LTO) Chief Jay Art Tugade ang mahigpit na pagbabawal sa mga law enforcer at deputized agent nito na magkumpiska ng plaka ng mga nahuhuling sasakyan o ang tinatawag na “baklas-plaka.”

Ito ay sa gitna ng mga reklamo ng publiko hinggil sa sinasabing pagbabaklas ng plaka ng mga sasakyang nasasangkot sa paglabag sa batas-trapiko.

Ipinalabas ni Tugade ang paglilinaw sa pamamagitan ng memorandum na nilagdaan nito na tumutukoy sa probisyon ng umiiral nang Joint Administrative Order (JAO) No. 2014-01 na nagsasaad na ang lisensya sa pagmamaneho, student permit, o ang sasakyan ay maaari lamang isailalim sa alarma kung hindi agad maipapataw o mababayaran ang kaukulang multa sa hinuling drayber o sasakyan.

“In all cases where the penalty includes the confiscation, suspension or revocation of a driver’s license or student permit as well as the suspension or revocation of the registration of a motor vehicle or impounding the motor vehicle, and the same cannot be immediately implemented, the driver’s license, the student permit, or motor vehicle as the case may be shall be put on alarm until the proper penalty may be implemented,” saad ng JAO.

Kaugnay nito, binigyang-diin ng LTO chief sa kanyang memorandum na ang lahat ng LTO law enforcers at deputized agents ay hindi dapat baklasin ang mga plaka kung hindi ma-impound ang mga nahuling sasakyan.

Tiniyak naman ni LTO Chief Tugade sa publiko na ang central command center ng ahensiya ay maagap na makapaghahatid ng impormasyon sa mga tauhan nito sa lansangan hinggil sa mga naka-alarmang sasakyan.

AUTHOR PROFILE