Default Thumbnail

Bakit walang rest area sa SCTEX?

June 20, 2023 Allan L. Encarnacion 187 views

Allan EncarnacionKAPAG mag-long drive ka mula Los Angeles papuntang Las Vegas, nasa apat na oras din ang biyahe.

Ang kapansin-pansin sa Amerika, kapag ganyang long driving na, may mga rest area sila na puwedeng hintuan ng mga biyahero’t biyahera para mag-toilet, magkape, uminom ng malamig sa kanilang free-flowing water fountain or bumili ng mga drinks sa mga vending machines.

Iyong ibang humihinto sa rest area, doon nila kinakain ang mga baon nilang pagkain na parang picnic area na rin kasi may mga provided na fixed tables and chairs.

Halos lahat ng mga inter-state highways nila, makakatagpo ka ng rest area sa magkabilang kalsada kaya iyong ibang mga inaantok sa biyahe, paparada saglit doon para umidlip sa sasakyan nila.

Nitong Lunes, bumiyahe kami patungong Iba, Zambales na halos apat na oras at kalahati pala ang biyahe. Mula Nlex, papasok ka sa SCTEX. Mahaba rin pala ang SCTEX, nasa 94 kilometers. Ang SCTEX ay Subic-Clark-Tarlac Expressway.

Iyong Nlex wala namang problema kasi may mga gas station na puwede mong hintuan para magkarga, magkape, mag-toilet or magpahinga saglit, lalo na kung masama ang panahon.

Iyong SCTEX, sa haba ng kalsada na iyon, wala man lang tayong nakitang rest area. May toilet pero doon na sa malapit sa exit. By the way, toilet na mabaho at bulok ha, hindi matino! Ang SCTEX ay pag-aari ni Ninong Manny V. Pangilinan.

Umabot sa P15.73 bilyon ang konstruksiyon ng SCTEX na naitayo sa panahon ni former President Joseph Estrada.

Ang pagtatakhan mo sa Metro Paficic na SCTEX owner, kayang-kayang gumastos ng bilyun-bilyong piso sa kalsada pero hindi napaglaanan ang rest area. Kahit sana sa bawat 30 kilometers ay may rest area para may mahihintuan man lang saglit ang ating mga kababayan.

Ano ba naman ang kalahating ektarya or kahit 3,000 square-meters na rest area kung ikukumpara sa ginastos sa SCTEX? Totoo rin namang walang kikitain sa rest area. Alanganan namang magbayad pa ng P10.000 kada iihi ang mga biyahero?

Hindi ko na hahanapin ang US-type na world class rest area, iyong basic at simple na lang para sa mga Pinoy.

Sa isang banda, puwede naman nilang pagkakitaan kung gusto nila sa pamamagitan ng mga commercial tenants na posibleng umupa sa lugar.

Ito iyong sinasabi ko na kung minsan, nawawala na ang corporate social responsibility ng ibang kompanya. Kung hindi ito maiisip ng Metro Pacific, puwede naman silang pakiusapan ni DPWH Secretary Manny Bonoan, ng Toll Regulatory Board at ng mismong national government na bigyan din ng pansin ang konbinyente ng mga dumadaan sa SCTEX. Kilala natin si Secretary Bonoan, napakasensitibo nito sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan.

Kung hindi kayang tustusan ng SCTEX ang gastos sa rest area, puwede naman nilang buksan sa ibang konsensyon para lang matiyak na may mahihintuan kami sa mga panahong kailangang magkape, kumain, magbawas or masisilungan kapag humataw ang matinding ulan.

Hindi ito mahirap isipin at hindi kailangan ng nuclear physics para maisakatuparan. Sintido-kumon lang at konting malasakit sa ating mga kababayan.

Huwag nating kalilimutang marami nang tragic accidents na nangyari sa SCTEX dahil nga iyong ibang driver, nakakatulog sa pagmamaneho. Sa haba ba naman ng kalsada, posibleng driving-fatigue na rin ang tumama sa ibang driver na magdamagan ang pagmamaneho tapos mapapadaan sa SCTEX.

Nanawagan tayo kay MVP na kilala namang mapagkawang-gawa na bigyan ng pansin ang aspetong ito para sa ating mga kababayang gumagamit ng SCTEX bago pa maulit ang trahedya sa paggamit ng expressway na ito.

[email protected]