Bakit ‘tumataas’ ang krimen

September 13, 2022 Paul M. Gutierrez 714 views

PaulBAGO ang lahat, mainit at maingay munang pagbati ng ‘Happy Birthday’ kay Pang. BBM sa kanyang kaarawan kahapon, Setyembre 13, dalawang araw naman matapos gunitain ang kaarawan ng kanyang ama si, Pang. Ferdinand Marcos Sr., noong Setyembre 11.

Mainit na pagbati, PBBM at harinawang patuloy kang gabayan ng Maykapal sa iyong mga desisyon para sa tagumpay ng iyong administrasyon at kaunlaran ng ating minamahal na Pilipinas! Pakan…ton ka naman, bosing, hehehe!

***

Inaasahang ngayong Huwebes, Setyembre 14, sisimulan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang paunang imbestigasyon sa umano’y “tumataas” na insidente ng krimen sa bansa, partikular na ang kidnapping na ang karamihan sa mga biktima ay mga dayuhan, partikular na ang mga Chinese nationals.

Una na ring nagpahayag ng pagkabahala sa isyu ng abduction at kidnapping ang Chinese Embassy matapos matanggap ang ulat sa kanilang mga kababayan dito; idinagdag naman ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na sa kanilang monitoring, may 56 insidente ng kidnapping/abduction sa nakaraang 10 araw pa lang o sa huling mga araw ng nakaraang buwan, sanamagan!

Hindi natin siyempre “tinatawaran” ang kakayahan ni Chief PNP Rodolfo Azurin na personal na pinili ni PBBM upang pamunuan ang ating pambansang pulisya.

At para makatulong tayo, bibigyan natin ng “halimbawa” kung bakit tila nga may katotohanan ang obserbasyon ng mga miron na tumataas na insidente ng krimen sa bansa na ang karamihan sa suspek at mga biktima ay mga Chinese nationals.

***

Nitong Hulyo 22, 2022, may nangyari palang insidente ng pamamaslang sa dalawang Chinese nationals sa loob ng isa sa mga units d’yan sa Marina Sea View Residences sa Don Galo, Parañaque City.

Nalaman natin ito dahil sa pagiging ‘viral’ ng insidente sa social media na nakarating sa atin.

Sa video ay makikitang nagtatalo ang grupo na pawang mga armado at makailang saglit lang, binaril ang dalawang Chinese nationals.

Ang masahol pa, habang nakabulagta na ang isa sa kanila, kitang-kita na paulit-ulit pa itong sinasaksak ng isa sa mga suspects na Chinese din.

Ayon naman sa police report ng insidente ng Parañaque City PNP, nahuli ang isa sa mga suspek na Pinoy habang tinutugis pa ang isa sa kanyang kasamang Pinoy din.

Batay pa rin sa report, ES Vic Rodriguez, may “nahuli” namang mga Chinese nationals ang mga pulis—na ang isinampang kaso ay illegal gambling, ahahay!

Maraming tanong ang nabuo sa ating isipan, mga kabayan. Una, bakit nagkaroon ng baril ang mga Chinese na involved sa insidenteng ito samantalang “mahigpit” naman ang PNP kung pagbibigay ng lisensiya sa baril ang pag-uusapan.

At higit isang buwan na matapos ang insidente, bakit mistulang tahimik na ang Parañaque PNP at maging ang buong Southern Police District (SPD) sa kasong ito? Dahil ba mga “dayuhan” ang mga sangkot at kilala sa pagiging ‘generous’ ang mga Chinese kung pagdating sa pagresolba sa ano mang “problema” ang pag-uusapan?

Oops! Hindi natin sinasabing “nalagyan” dito ang mga pulis, dear readers. Ang ipinagtatataka lang natin, bakit pulos Pinoy ang naingusong suspek at wala kahit isang Chinese samantalang sa video, kitang-kita na ‘Chinese-looking’ ang sumasaksak sa isa sa mga biktima.

Ayon pa sa isang “bersyon” kung bakit naganap ang krimen, “planado” ang lahat dahil sa isyu ng hindi maibalik na “investment money” ng mga suspek at biktima.

Eh, kung ganito, malinaw na conspiracy to commit murder ang senaryo at nangyari, hindi ba mga kabayan?

Natatawa rin tayo na habang ang paghahanap sa mga suspek ang dapat na atupagin ng mga pulis ilang oras lang matapos ang insidente, ang “napag-initan” ay yung isang grupo ng mga Chinese at Pinoy na naglalaro ng mahjong at sila ang dinakma at kinasuhan ng pagsusugal o illegal gambling, hehehe, ayy, huhuhu!

Ano ang punto natin dito, dear readers?

Eh, kung sadyang hindi magiging seryoso sa kanilang trabaho ang ating mga pulis, hindi talaga maaayos ang problema natin sa krimen, ganun kasimple!

AUTHOR PROFILE