Default Thumbnail

Bakit matamlay ang Subic?

August 18, 2023 Allan L. Encarnacion 1450 views

Allan EncarnacionMALAKI na ang ibinagsak ng Subic sa Zambales kung ikukumpara sa sumisiglang Clark sa Pampanga.

Hindi lang sa industrializaton ang ating binabanggit, kasama na rito ang sigla ng turismo at galaw ng kalakalan.

Iba pa rin talaga noong si Dick Gordon ang chairman ng SMBA dahil ramdam ang kontribusyon ng Subic. Noong huling magpunta tayo ng Subic, hindi na vibrant ang pakiramdam na tulad ng mga 1990s hanggang early 2000.

Noon, looking forward kang makapunta sa Subic na dating base-militar ng Amerikano. Ngayon, para na lang siyang ordinary destination.

Kapag pumasok ka sa Clark, masiglang-masigla ang galaw at mararamdaman mong masigla ang takbo ng turismo at kalakalan. Maraming masarap na kainan at maraming puwedeng puntahan.

Sa ibang parte ng Subic, parang ghost town sa lungkot na dapat ikalaarma ng SBMA leadership kung hindi pa sila naaalarma.

HIndi natin alam kung bakit nagkaganoon ang Subic, nawala ang “fab and glamour effects” sa maraming aspeto. Ang tingin kong isa sa mga saving grace ng Subic ay ang Acea Subic Beach Resort na dinadayo dahil sa kanyang ganda. Hindi lang ito maganda, as in magandang-maganda sa universal standard.

Puti rin ang buhangin ng Acea, pino at world-class ang atmosphere. Masarap din ang pagkain sa Acea at resonable ang presyo. Ang tingin ko nga, parang Boracay ng Central Luzon ang Acea!

Aminin man o hindi ng SBMA, matamlay ang galaw ng ekonomiya ng Subic sa nagdaang dekada. Kailangang sigurong magkaroon pa ng bagong mga locators at investors para sa mga katulad ng ginawa ng Acea.

Nanawagan tayo sa SBMA board na magkaroon ng bagong creative committee na magpapasigla ng paligid at gagawa ng mga activities all year round para dayuhin ulit ng mga foreign at local tourists.

Huwag nating hayaang madedbol ang Subic dahil malaking tulong ito para sa ekonomiya ng bansa kung maibabalik ang sigla.

***

Kung nagtayo ng bagong Solaire casino sa Quezon City si Ricky Razon at parami nang parami ang mga hotel sa Newport ni Andrew Tan sa Pasay City; bakit hindi imbitahan ng SBMA na mag-invest ang mga ito sa Subic?

Sa Clark nagbukas ang bagong Hann Casino, Swiss Hotel at nagkaroon ng bagong giant Royce Hotel, bakit walang kahit anong bagong galaw sa SBMA?

Dapat sigurong tumulong na rin ang Department of Tourism para sa pagpapasigla ng SBMA.

Kapag naibalik natin ang Subic old glory, maraming magkakaroon ng trabaho sa Bataan at Zambales area bukod pa ang iaakyat nitong pondo sa national treasury.

Noong 2022, ang naitalang income ng Subic ay P3.47 billion samantalang ang Clark ay P3.56 billion. Parang dikit ito sa biglang tingin pero huwag nating kakalimutan na ang Subic ay napapaligiran ng karagatan, may seaports samantalang ang Clark ay walang dagat.

Ibig sabihin, hindi nama-maximize ng Subic ang kanilang ports para makapagpasok ng malaking kita sa national government.

Malaking hamon kay bagong SBMA Chairman Jonathan Dioso Tan ang pagpapalakas sa SBMA.

Gusto nating magtagumpay si Chairman Tan para sa kabutihan ng bansa.

[email protected]