Default Thumbnail

Bakit ‘di masaling ang mga dambuhala?

August 2, 2021 Joey C. Papa 322 views

NGA multinational oil companies ang karaniwang tawag sa kanila.

Tawag naman ng mga aktibistang apektado ng mga galaw nila at mga consumer advocates ay “mga dambuhalang” kumpanya ng langis.

Kahit ano pa man ang itawag sa kanila, “dambuhala” na ang patuloy na pagtaas ng kanilang mga produkto mula sa langis tulad ng gasoline, diesel, kerosene at at iba pang produktong petrolyo. Sa maikling salita, malaki na ang kinita at tinubo nila.

Sa isang kolum ko kailan lang, nagkataong magbababa ng presyo ang gasoline at diesel noon. Bago dito, may pito o siyam na linggong sunod-sunod na nagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang mga dambuhalang kumpanya.

Sinabi ko sa kolum na tiyak na pagkaraan ay magtataas na naman ng sunod-sunod na linggo ang mga dambuhala at tiyak na mababawi nila ang presyong ibinaba nila sa isang araw at may malaking kita pa. Nangyari nga!

Alam na ito ng marami. Tumanda na tayo na ganito na ang sistema. Linggo-linggong magtataas ng presyo ng diesel at gasolina, pagkaraan ay magbaba ng karampot na presyo at sa susunod ay linggo-linggo muling pagtataas ng presyo ng gasolina at diesel.

Pinapayagan na lang ng mga mambabatas ng Mababang Kapulungan, Senado, at ng Malakanyang ang mga ganitong pangyayari?

Nakalimutan na ba nilang kapag nagtaas ang presyo ng produktong petrolyo, tiyak na tataas lahat ang presyo ng mga pangunahing bilihin! Tayong lahat ang apektado.

Hindi na kailangan ng isang ekonomista para mag-lecture sa atin na domino effect ang tawag dito. Ngunit tila pinalalagpas na lang ito nang walang patlang. Nasaan ang mga mambabatas at taga-Malakanyang?

Magtataas na naman ng presyo ang mga dambuhala ngayong linggo ayon sa balita o kundi man ay nakapagtaas na sila ng presyo.

Ang nakagagalit dito ay nagaganap ito sa panahon ng pandemic! Hindi napapansin ng mga Pilipino dahil sa takot sa virus, kawalan ng trabaho, lockdown, mga community quarantine, at KAWALAN NA MARAHIL NG KATIYAKAN SA KASASAPITAN NG ATING BUHAY.

Ngunit patuloy pa rin ang mga dambuhala! Patuloy pa rin sa pagtaas ng mga presyo nila. Parang walang pandemic na nagpapahirap sa ating buhay at kabuhayan.

Ang lagi lang namang sagot ng mga dambuhala ay gumalaw ang “world market price.”

Matagal nang dahilan ‘yan! Sabi nga ng isang kakilala kong journalist, “nabenta na yan!”

Ngunit tila hindi pansin ng dambuhala ang mga daing ng mga Pilipinong apektado ng pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Di naman pinalalakas ng husto ng pamahalaan ang alternative source of renewable at ecological energy. “Nakasuso” pa rin tayo sa fossil fuel o maruming langis na minimina mula sa ilalim ng lupa.

Naniniwala ako sa kuwento ni David at Goliath. Ang labanan ng isang higante at maliit na tao. Napatay ni David ang higanteng si Goliath.

Mangyayari kaya ito sa atin? Abangan.

AUTHOR PROFILE