Bakit binuksan ang ‘Dolomite beach’ kung mapanganib ito?

October 24, 2021 Joey C. Papa 252 views

JoeyMasarap talagang magliwaliw sa tabing-dagat lalo na kung malinis ito. Masarap huminga ng malalim na makabubuti sa baga ng isang tao.

Ito ay kung malinis ang dagat na pagkukunan ng sariwang hangin na mahihinga. Ang iba nga ay nag-iisip nang maligo sa tuwing makakakita ng dagat o kahit ilog.

Ngunit iba ang sitwasyon sa “dolomite beach.” Bakit binuksan sa madlang bayan ang bahaging ito ng Manila Bay kung mapanganib pa pala ayon sa isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources at ilang manggagamot?

Nitong nakaraang linggo, dinagsa ng mga taong naghahanap ng murang pasyalan makaraang ibaba sa alert level 3 ang community quarantine. Sabik ang mga kababayan nating mamasyal!

May mga nagtampisaw sa dagat at marami na ang nagkumpulan at nakababa na ang mga face mask sa baba at ang iba naman ay tuluyan nang wala suot na face mask.

Sa mga ulat sa media, sinabi ni DENR Undersecretary Jonas Leones na mataas pa ang coliform level ng Manila Bay at hindi pa ligtas na lumangoy dito. Sinang-ayunan naman ito ng isang duktor.

Idinugtong pa ni Usec. Leones na “hanggang ngayon ay under rehabilitation pa ang Manila Bay.” Ang ibig niyang sabihin ay hindi pa ito ligtas na languyan at lalo na kung makaiinom din ng tubig -dagat dito.

Sa madaling salita ay talagang marumi pa ang dagat ng Manila Bay. Ang sabi ng isang duktor ay panganib din kung ang mga batang nagtampisaw sa dagat ay maikukuskos sa mata ang tubig na may dolomite, manganganib na masugatan ang mata ng bata. May crystalline ang dolomite ayon sa kanya.

Ayon sa panayam ko kay Usec Leones, nasa 2 to 3 thousand people lamang ang carrying capacity ng “beach.” Ngunit dinadagsa ito nang nakaraang linggo at umabot daw ‘umano ng 60 thousand ang dumagsang tao.

Kauna-unawa ang kasabikan ng mga kababayan natin sa pamamasyal dahil matagal silang “nakulong” sa kanilang mga bahay at barangay.

Ayon kay Usec. Leones, sumabay pa sa alert level 3 ang kagustuhan ng mga taong makalabas ng bahay at mamasyal at ang dagat ng Manila Bay na dating malinis ang siyang pinakamalapit puntahan na libre na puwede pang magtagal na ninanamnam lamang ang simoy ng hanging may kakaibang amoy!

“Naging uncontrollable ang crowd. Marami talagang gustong mamasyal na humantong na sa paglabag sa minimum health protocols,” pahayag ni Usec. Leones.

Iminungkahi ko sa kanya na mainam munang isara ang “beach” hanggang hindi pa tiyak na ligtas ito sa mga tao. At sinabi nga sa isang panayam kay Health Secretary Francisco Duque, “super spreader” ang ganitong mga event.

Kaya dalawa ang dapat isasaalang-alang ng Manila Bay Rehabilitation Inter-Agency. Ang pagkalat ng covid 19 sa “Dolomite ‘bay” at ang panganib pa rin ng maruming dagat at panganib ng mismong dolomite sand.

AUTHOR PROFILE