Bakit bilib sina Sen. Ping at SP Sotto kay Gen. Eleazar

November 16, 2021 Marlon Purification 91 views

Marlon PurificationTAMA ang nauna nating isinulat na para kay retired PNP chief Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar ang ini-reserved na slot para sa line-up ng kanilang mga senatoriables.

Matagal ko nang alam ito dahil mismong si Nationalist People’s Coalition (NPC) vice-presidential bet Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang nagbulong sa akin tungkol sa pagtakbo sa kanilang line-up ni Guillor.

Kaya nga kapag kausap ko si Gen. Eleazar sa telepono, panay pakiusap nito sa atin na ‘wag ko raw siyang ‘sunugin,’ dahil nagtatalo pa rin daw ang isip niya kung tatakbo ba siya sa pagkasenador o hindi.

Pero nitong nagdaang Lunes, ang last day ng filing ng candidacy para sa mga magsa-substitute, nagsumite na ng kanyang Certificate of Candiday (CoC) bilang senador si Guillor.

Katunayan, Linggo pa lang ng umaga ay inihayag na ni Reporma Party presidential bet, Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson ang pagtakbo ni Guillor. At tanghali noong araw ding iyon ay pormal nang nanumpa si Guillor para maging miyembro ng Reporma Party.

Positibo naman ang tugon ng karamihan sa pagtakbo ni Guillor. Katunayan, hindi lamang media ang natutuwa sa pagsabak sa pulitika kundi marami ring sektor ng lipunan.

Naniniwala silang sa galing, husay, sipag, tapang, talino at pagiging tapat sa bayan ni Guillor, malaking bagay ito para mapabuti ang bansa.

Reporma sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isa sa prayoridad na gawin ni Eleazar sakaling manalo ito bilang senador.

Bilang dating alagad ng batas, alam nitong marami pang dapat baguhin at paunlarin sa larangan ng law enforcement. Ang kanilang pangangailangan sa trabaho, personal at kahit para sa kanilang pamilya.

Batid nito ang kahinaan ng Justice system sa bansa na isa rin sa nagpapababa ng moral para sa ating mga tagapagpatupad ng batas.

Importante rin para kay Guilor ang pagpapaigting sa ‘internal cleansing,’ hindi lamang sa mga pulis at militar, kundi pati na rin sa lahat ng government employees na lapitin sa anumang uri ng korapsiyon.

Ang maganda kay Guillor, napatunayan nito bilang PNP officials ang pagpapaigting ng polisiya na ang ‘Tama ay tama at mali ay mali.’ Sabi pa nga niya: ‘Kapag walang peace and order, walang asensong aasahan ang bansa.”

Ang mga katagang ito ay iisa sa linya nina Ping at Tito Sen.

Ayon mismo kay Senator Ping, nagtagumpay si Guillor bilang PNP chief. Sa lahat aniya ng naging Top Cop ng bansa, aminado ang senador na baka mas magaling pa ito kaysa sa kanya.

“Ngayon ko lang na-realize na six months lang pala siya and in the six months period na nagsilbi siya, ang daming nangyari sa PNP. He is a performer,” sabi pa ni Lacso.

Bilang brod sa Mason fraternity, ipinagmamalaki rin ni SP Sotto si Guillor. “Kailangan siya ng bayan at kailangan natin siya na maging senador ng bayan!”