Allan

Bakit ba natin pinapayagan ang ‘dating app”?

February 3, 2025 Allan L. Encarnacion 163 views

BAGO ko simulan ang pagtalakay sa isyu ng dating app, gusto kong manawagan sa mga magulang na yakapin nyo muna nang mahigpit ang inyong mga anak na dalagita o binatilyo. Iyong mahigpit na mahigpit at habang nakayakap kayo sa kanila, ibulong nyo ang katagang mahal na mahal nyo sila kahit ano pa ang mangyari.

Kuwento ito ng isang ina, isang tunay na kaibigan at malapit sa akin. Sa sobrang busy namin pareho, lumipas ang Christmas, New Year ay hindi kami nagkaroon ng tiyansang magkape man lang.

Noong panahon pala na inaasar ko siya sa mga komento ko sa FB na karaniwan ko namang ginagawa, may mabigat pala silang problemang pimagdaraanan.

May permiso naman ito sa kanya na isulat ko para na rin maging aral sa ating mga kabataan na nahuhumaling sa mga dating app.

Noong mga panahong broken hearted ang estudyante na dalagang anak, pumasok pala ito sa isang dating app. Nagkaroon ng regular na komunikasyon sa subject hanggang sa umabot sa puntong nagpunta ang dalaga sa bahay ng lalaki matapos makuha ang tiwala.

Kapag sinabing tiwala ng isang babae at lalaki, karaniwan hindi ito ang sinasabing may relasyon na. Puwede kasing gusto lang may makausap sa mga panahong malungkot ang isang tao, babae man o lalaki. Naroon pa rin ang limitasyon, naroon pa rin ang pagrespeto.

Malungkot mang sabihin, sa mismong araw ng pagpunta ng dalaga, pinagsamantalahan ito ng lalaki nang paulit-ulit na labag sa kanyang kagustuhan. Ang mas malungkot, habang ginagawa pala ang pagsasamantala ay naka-video sila.

Natural na kung sino ang na-setup ng video, alam niya kung paano umiwas na makukunan ang kanyang mukha. At ganoon na nga ang nangyari, ang sex video na iyon ng kanyang pang-aabuso ay nagamit na laban sa biktima.

Nagkaroon na ng “sextortion” at extortion. Pinagbabantaang ikakalat ang sex video sa social media at ipapadala sa mga kamag-anak kung hindi magbibigay ng pera. Karaniwan na natin ito nababasa at napapanood sa mga balita pero iba pala ang sakit kapag kakilala mo ang pamilya ng nabiktima.

Parang nadurog ang puso ko sa kuwento ng aking kaibigan dahil mabuting pamilya ito, masikap, maayos at walang inargabyadong tao. Hindi ko alam kung anong lungkot ang aking naramdaman sa aking narinig habang kami’y nag-aalmusal.

Binanggit niya na nahuli na ang tao at nakasuhan subalit anti-voyeurism lang ang naikaso sa halip na rape at violation against women and children or VAWC para wala sanang piyansa. May pagkukulang dito ang pulis na humawak ng kaso sa tingin ko.

Ang ibig sabihin, sa mga oras na binabasa nyo ito, posibleng nakapambibiktima na naman ang ganitong klase ng kriminal.

Ang tanong natin sa National Telecommunications Commission, DICT, sa NBI at sa Anti-cybercrime unit ng PNP, bakit pinapayagan natin ang dating app dito sa ating bansa? Hindi ba ito’y isang mekanismo para sa human trafficking na mahigpit na ipinagbabawal ng ating batas at ng batas sa buong mundo?

Hindi natin ituturing na bahagi ng demokrasya ang paghahanap ng kapareha gamit ang online scamming na ganito.

And by the way, alam naman ng PNP-CIDG kung ano itong ating tinutukoy na nangyari sa Cavite kaya nanawagan tayo sa kanila na rebisahin ang isinampang kaso para maitaas ito sa rape, anti-VAWC at human trafficking para nakaselda ang kriminal habang nililitis.

Hindi natin dapat pinapayagang gumagala ang ganitong klase ng mga kriminal na latak ng ating lipunan. Wala bang Oplan Tokhang ang PNP sa mga ganitong klase ng kriminal?

Ang panawagan naman natin sa mga kabataan, huwag nyong lutasin sa online ang anumang problema at kalungkutan na inyong dinaranas. Kaya tayo may pamilya, kaya tayo may mga kaibigan, kaya tayo may simbahan para mayroon tayong natatakbuhan.

Tandaan natin palagi ito, iyong mga tao nga na matagal mo nang kakilala at araw-araw mong nakikita ay puwede kang lokohin, iyon pa kayang sa online mo lang nakilala?

Palagi kayong mag-iingat mga bata.

[email protected]