Fire

Bahay ng 250 pamilya sa Munti naabo sa sunog

February 23, 2024 Edd Reyes 104 views

NAABO ang bahay ng humigit-kumulang na 250 pamilya sa sunog noong Biyernes sa Muntinlupa City.

Nagsimula ang sunog sa bahay na inuupahan ng pamilya nina Jun Bautista at Ricky Ortillo sa 143 Aplaya St., Brgy. Poblacion dakong alas-3:32 ng umaga.

Sa ulat ni F/Supt. Jeffrey Atienza, City Fire Marshal ng Muntinlupa Fire Station, kay Mayor Ruffy Biazon, itinaas sa ikalawang alarma ang sunog dakong alas-3:53 ng umaga dahil mabilis kumalat ang apoy sa mga kabahayan na inuukupa ng mga informal settlers.

Nahirapan ang mga bumbero sa pag-apula sa malakas na lagablab ng apoy dahil makitid ang mga eskinitang daraanan. Umabot sa 22 fire trucks ang nagresponde at tuluyang naapula dakong alas-7:11 na ng umaga.

Walang namatay o nasugatan sa sunog na umabo sa tinatayang P350,000 halaga ng mga ari-arian.

AUTHOR PROFILE