Default Thumbnail

Bahagi ng Burgundy Tower sa Makati, nasunog

June 6, 2023 Edd Reyes 439 views

SUMIKLAB ang sunog sa bahagi ng 38-palapag na gusali ng Burgundy Corporate Tower sa Gil Puyat Avenue, Barangay Pio Del Pilar Martes ng umaga sa Makati City.

Itinaas lamang sa unang alarma ang sunog na nagsimula sa ika-36 na palapag pasado alas-9 ng umaga na kaagad ding nakontrol dakong alas-9:45 matapos makapagresponde kaagad ang mga bumbero mula sa Makati Fire Department.

Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog na hinihinalang nagmula sa nag-overheat na airconditioning unit.

Magugunita na noong Hulyo ng nakaraang taon, naging laman din ng balita ang Burgundy Corporate Tower matapos masawi ang dalawang obrero nang bumulusok mula sa ika-38 palapag ang elevator na noon ay kasalukuyang isinasailalim sa pagkukumpuni ng mga biktima na nasa ika-anim na palapag.

Ipinatigil noon pansamantala ni Mayor Abby Binay ang pagkukumpuni sa elevator ng gusali hangga’t hindi napapatunayan ng contractor na sumusunod sila sa ipinaiiral na safety protocol.

Nauna rito’y naging kontrobersiyal din ang Burgundy Corporate Tower noong taong 2013 nang magbarilan ang dalawang grupo ng mga security guard na nagresulta sa pagkasawi ng isa at malubhang pagkasugat ng isa pa na nag-ugat sa pagsisilbi ng temporary restraining order (TRO) laban sa mga nakaupo noong miyembro ng board of directors.

AUTHOR PROFILE