Default Thumbnail

‘Bagyo, bagyo na namang muli’

June 21, 2021 Joey C. Papa 413 views

NARINIG ko ang isang motorcycle driver sa aming barangay na kumakanta habang mabagal na binabagtas niya ang mahabang kalsada sa aming lugar.

Sa himig ng awiting pamasko na “Pasko Na Naman,” pinalitan niya ang mga titik nito at ang naging simula ay “Bagyo na naman o kay tulin ng araw. Bagyong nagdaan tila ba kung kailan lang. Ngayon ay bagyo dapat na paghandaan, ngayon ay bagyo tayo ay manalangin.”

Kilalang masayahin ang driver na ‘yon. Nasa 40 o mahigit ang kanyang gulang.

Kausap ko ang isang kaibigan niya na nagtitinda ng gulay at prutas sa lugar namin at ikinuwento niya na maraming kanta ang tsuper na hango ang himig sa ating mga awiting Pilipino.

May masasaya siyang awitin at may pumupuna rin sa mga maling nangyayari sa ating bayan, kuwento ng maggugulay.

Kinatatakutan niya ang pagsapit ngayon ng tag-araw ngunit nauna niyang inayawan ang panahon ng tag-ulan.

May namatay siyang kaanak nang palubugin ang Kamaynilaan ng bagyong Ondoy. Labis siyang nalungkot dahil hindi niya natulungan ang kaanak niya dahil lubog sa baha ang lahat ng kalsadang papunta sa bahay ng kaanak niya.

Ayaw niya ng tag-araw ngunit ngayon ay mas pinipili na niya ito kaysa tag-ulan. Higit daw na malaki ang laban sa tumitinding init. Aniya ay sisilong ka lang ay hindi ka na masasaktan kaysa daw sa malunod sa baha na naging dahilan ng pagkamatay ng kaanak nang nilamon ng baha ang bungalow na tinitirhan ng kaanak niya. Nalunod ang kaanak niya.

Dinamdam niya ito dahil bata pa siya ay nakasama na niya ang kaanak na kaibigan din ng kanyang mga magulang. Nakikita daw niya silang magkakasama sa mga kuwentuhan, pamamasyal, sayawan, at mga pagtitipon ng mga kaibigan nila. Masaya ang mga alaalang ‘yon at hindi niya akalain na sa pagtanda ng kaanak ay mamamatay lamang ito sa ganoong paraan – ang malunod sa baha.

Nagbuo ng isang opisina si Environment Secretary Roy Cimatu upang habulin at dakpin ang mga illegal logger at lahat nang naninira sa kabundukan at kagubatan.

Aarmasan ‘umano ang mga kasapi nito. Direktamenteng mapapasailaim ang grupong ito sa tanggapan ni Cimatu, ayon sa pahayag.

Ngunit habang sinisimulan ito, ano naman ang gagawin ni Cimatu sa mga kagubatang kinalbo na ng mga magtotroso? Ano ang gagawin niya sa mga kabundukang binabasag upang kunin ang likas na yaman ng ating bansa?

Matatapos na ang termino ni Pangulong Duterte at Secretary Cimatu sa 2022. Matagal na ang problemang kanser na sa paglapastangan sa ating Inang Kalikasan. Kung may magagawa man ang armadong grupo na ito ni Cimatu ay oobserbahan natin dahil sa pagrerecruit pa lang ng mga kwalipikadong kasapi nito ay aabutin na ito ng matagal na panahon.

Ang tanong ko ay bakit hindi gamitin ni Cimatu ang AFP na pinagmulan niya. Ipagpaalam niya ito kay Pduterte na bigyan siya ng dalawang batalyon upang habulin at dakpin ang mga kriminal ng Inang Kalikasan. Sila ang hahabol at darakip sa mga ito at habangbuhay nang ikulong.

Ang mga kasalanang ito sa Inang Kalikasan ang dahilan ng malalaking pagbaha at pagguho sa ating bayan. ([email protected])

AUTHOR PROFILE